KASO NG COVID-19 SA PNP LUMOBO

NAKABABAHALA na para kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang pagdami ng corona virus 2019 (COVID-19) cases sa Philippine National Police (PNP) kaya iginiit nito ang pagpapalabas ng malinaw na plano at health protocols  sa new normal.

“Malaking bahagi sila ng pandemic response ng pamahalaan. Pero ano’ng mangyayari sa mga plano kung sunod-sunod silang nagkakasakit habang ginagampanan ang kanilang tungkulin? There has to be a better, clearer, safer way to go about the new normal,” ayon kay Pangilinan.

Napaulat nitong Agosto 28 na nahawa ng sakit ang buong puwersa ng Tuguegarao City Police Force kabilang si Police chief Col. Jonalyn Tecbobolan at 13 iba pang police officers na nagpositibo sa virus.

Nakakandado ang istasyon ng pulisya sa naturang lugar mula pa noong Agosto 17 matapos mahawa ang 10 opisyal at ilang non-uniformed personnel.

“Mahalaga ang kanilang kalusugan at kaligtasan kung kaya’t kailangan natin ng mas konkretong paraan kung paano haharapin ang new normal. Dapat better ang new normal,” ayon kay Pangilinan.

Umabot na sa 3,669 ang bilang ng COVID-19 cases sa PNP simula pa nitong Agosto 26 samantalang umakyat na sa 200,000 COVID-19 ang kaso sa buong bansa. (ESTONG REYES)

145

Related posts

Leave a Comment