Most wanted na Ozamis KFRG member nakorner WALANG KAWALA SA PNP-AKG

NADAKIP ng mga tauhan ni Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) Director P/BGen. Jonnel C. Estomo ang itinuturing na most wanted person at kasapi ng kilabot na Ozamis kidnap for ransom group sa Kibawe, Bukidnon.

Ayon kay Gen. Estomo, nasakote ng kanyang mga tauhan, sa pangunguna ni P/Col. Alex C. Fulgar, sa tulong ang AKG-MFU Iligan Satellite Office, ang suspek na Ryan James Sabellano y Mendez alyas “Jimboy” noong Sabado ng hapon.

Nabatid mula kay P/Major Ronaldo Lumactod, tagapagsalita ng PNP-AKG, bandang alas-5:00 noong Sabado ng hapon, inilunsad ang law enforcement operation sa Marapange Elementary School sa Brgy. Marapange sa Kibawe, Bukidnon laban kay Sabellano.

Isinagawa ng mga awtoridad ang operasyon laban sa suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Sylvia A Singidas-Machacon, Presiding Judge ng RTC Branch 16, 10th  Judicial Region, Tangub City, Misamis  Occidental, dahil sa kasong murder kaugnay sa pagkamatay ng isang Rolando Suson noong 2010 at walang piyansang inerekomenda.

Si Sabellano na unang idineklarang top 1 most wanted person, municipal level sa Bonifacio, Misamis Occidental ay pinaniniwalaang ‘remnant’ ng kilabot na Dragon Francisco KFRG na pinamumunuan nina Rey Jalasan alyas “Ranger” at  Reynald Jalasan alyas “Aling” na nakabase sa Ozamis City, na napatay sa police operation sa Tudela, Misamis Occidental.

Ayon pa kay Maj. Lumactod, ang nadakip na suspek ay prime suspect sa Shenny Sy Ang kidnap for ransom case sa Cavite City ngayong taong 2020, kung saan nadakip ang magkapatid na Jalasan sa joint hot pursuit operation, na pinamumunuan ng PNP AKG-MFU, at nasakote ang suspek sa aktong kumukubra ng pera sa Clarin at Tudela, Misamis Occidental sa pamamagitan ng ML Kwarta padala, ngunit pinalaya sa utos ng korte dahil sa kakulangan ng probable cause.

Dagdag pa ni Maj. Lumactod, si Ryan James Sabellano ay sangkot din sa robbery extortion, gun for hire, drug trafficking activities at kidnapping for ransom sa area ng Ozamis, Bukidnon at Maramag area.

Dahil sa unti-unting pagkawasak ng Ozamis Group at sunod-sunod na pagkakaaresto at pagkakapatay sa kanilang mga lider ay napilitan ang suspek na lumipat sa  Maramag, Bukidnon, para manirahan at doon ay nakapag-asawa ito at namasukan bilang construction worker.

Taong 2019 ay natakasan ni Ryan James Sabellano ang ikinasang joint PNP operations sa kanyang bahay sa Panalsalan, Maramag, Bukidnon.

Pansamantalang dinala ang suspek sa Bukidnon Police Provincial Office para sa blotter at booking process saka inilipat sa AKG Iligan Satellite Office para sa dagdag na imbestigasyon at proper
disposition and documentation bago ibalik sa korte para sa issuance ng commitment order. (JESSE KABEL)

224

Related posts

Leave a Comment