NORTH COTABATO – Nauwi sa pamamaslang ang dapat sana’y masayang inuman ng apat katao sa Brgy.
Malatab sa bayan ng Antipas sa lalawigang ito, Kinilala ni Antipas PNP chief of police, Captain Jorlito Patrona ang biktimang si Ramon Madilozo, nasa hustong gulang, may asawa, rubber tapper at residente ng nabanggit na lugar.
Habang kinilala naman ang suspek na si Severino Fontilla, 36-anyos, may asawa, magsasaka at laborer,nakatira rin sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat ng PNP, pasado alas-10:00 ng gabi, nag-iinuman sa bahay ng isang kaibigan ang apat nang magtalo ang suspek na si Fontilla at ang kapatid nito dahilan para kumuha ito ng itak sa kanyang bahay.
Pabalik na ang suspek nang makasalubong ang noo’y papauwi namg biktima na si Madilozo.
Sinubukan pang awatin at pakalmahin ng biktima ang suspek ngunit nagalit ito at pinagtataga si Madilozo Ang biktima ay tinamaan ng maraming taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa pagkamatay nito.
Agad namang tumakas ang suspek matapos ang krimen ngunit nadakip sa hot pursuit operation ng mga awtoridad kinaumagahan. (BONG PAULO)
