KALAGAYAN NG COVID-19 SA BJMP, MASAHOL NA, O HINDI?

PATULOY ang pagtaas ng bilang ng mga kababayan nating nagkaroon ng coronavirus disease 19 (COVID-19).

Batay sa ulat ng Department of Health (DOH) nitong Setyembre 2, mahigit 226,000 ang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19.

Ang aktibong kaso ay mahigit 64,000 at mahigit 3,000 ang mga namatay.

Bagamat mahigit 158,000 ang mga gumaling, walang dudang nakakaalarma pa rin ang pananalasa ng COVID-19.

Habang sinusubaybayan ng publiko ang ulat ng DOH tungkol dito, walang naibabalita ang mga telebisyon, radyo, online news platform at pahayagan hinggil sa patuloy na pananalasa ng COVID-19 sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), partikular sa mga bilanggo nito.

Hindi naman ilalabas sa media ng BJMP ang mga pangalan ng mga opisyal at tauhan nito at mga bilanggong positibo sa COVID-19, kundi bilang lang ng mga nabiktima upang malaman naman ng publiko ang kanilang sitwasyon.

Napakahalagang alam ng 110 milyong Filipino ang totoong nangyayari sa BJMP na matagal-tagal na ring pinamumunuan ni Director Allan Iral sa isyu ng COVID-19, lalo pa’t pare-pareho nating alam na siksikan ang mga bilanggo sa lahat ng kulungan ng BJMP.

Sadya bang ayaw ilabas sa media ni Director Iral at ng tagapagsalita ng BJMP na si Chief Inspector Xavier Solda ang datos upang huwag maalarma ang publiko?

Director Iral at Chief Inspector Solda, hindi naman layuning ‘gulatin’ ang publiko kung ilalabas ng iyong tanggapan ang tunay na kalagayan ng mga opisyal at tauhan ng BJMP at mga bilanggo ng mga kulungan nito sa lahat ng panig ng bansa hinggil sa COVID-19.

Dumami ba ang bilang nito, o nabawasan?

Uulitin ko, anu-anong aksyon ang ginawa ni Iral upang hindi kumalat at makahawa pa sa iba ang mga nagkaroon ng COVID-19?

Walang nakakaalam tungkol dito.

Ayaw kasing makipag-usap nina Iral at Solda sa media, ayon sa mga reporter na nakabase sa Quezon City.

Namimili raw ng kausap ang mga opisyal na ito.

Pokaragat na ‘yan!

Kung regular lang na gumagawa ng press statement si Iral hinggil sa kalagayan ng mga bilanggo ng BJMP sa COVID-19 ay hindi dapat isyu ito.

Kaso, porke kaibigan ni Solda ang ilang matatandang reporter sa Quezon City, kasama na ang mga hao shiao, ay mistulang balewala sa kanya na makipag-usap sa iba pang journalists.

Nabuksan ko ang isyung ito dahil noong bago matapos ang Hulyo ay biglang lumabas sa media na siyam na ‘kilalang’ bilanggong sangkot sa ilegal na droga sa New Bilibid Prison (NBP) ay namatay dahil daw sa COVID-19.

Kabilang sa mga namatay ay si Jaybee Sebastian, isa sa mga pangunahing ‘testigo’ sa mga kasong kriminal ni Senador Leila de Lima tungkol sa ilegal na droga.

Ang ‘kontrobersiyal’ at ‘kuwestyonable’ sa pangyayari ay inilabas sa media ni Bureau of Corrections (BuCoR) chief Gerald Bantag ang pagkamatay ng siyam na bilanggo ilang araw pagkatapos mamatay si Sebastian noong Hulyo, samantalang ang iba sa mga ito ay Mayo at Hunyo pa namatay.

Kontrobersiyal at kuwestyonable rin na pare-parehong namatay sila nang dahil sa COVID-19.

Dahil sa mga bagay na ‘yan, inupakan nang todo-todo ng mga senador si Bantag, kabilang na si Senador Richard Gordon.

Dahil din sa isyung ‘yan, nag-utos si Justice Secretary Menardo Guevarra na imbestigahan ang pangyayari.

Ngunit, biglang nanahimik si Gordon at iba pang senador.

Hanggang ngayon, hindi pa nagpapatawag ng imbestigasyon si Dick Gordon.

Pokaragat na ‘yan!

95

Related posts

Leave a Comment