YUKA SASO, BAGONG SPORTS SENSATION SA BANSA

ISAMA na ang pangalan ng Filipino-Japanese golfer na si Yuka Saso sa mga Pilipinong Olympic qualifier sa darating na Tokyo Games sa susunod na taon.

Ang 19-anyos na si Saso ay kailangan na lamang manatili sa listahan ng 60 pinakamagagaling na golfer sa mundo para opisyal na pumasok sa XXII Games of the Olympiad.

Tanging grabeng pinsala sa katawan ang makapipigil sa kanya para hindi makapaglaro hanggang sa itinakdang timeline ng International Olympic Committee.

Matapos ang kanyang huling tagumpay sa Nitori Ladies Golf Tournament sa Hokkaido, Japan noong nakaraang Linggo, umakyat sa 36th sa mundo si Saso.

Ranggong 60 sa babae at 60 rin sa lalaki ang papasok sa Olimpiyada, ayon sa rating system na ipinatutupad ng International Golf Federation.

Ang back-to-back win ni Saso sa Nitori at NEC Karuikazawa ay babala sa mga kalaban na determinado siyang tuparin ang kanyang pangako dalawang taon na ang nakararaan.

Matapos walisin ang korona sa indibidwal at team competition sa 2018 Asian Games, ipinangako ng Filipina-Japanese na magiging Numero Uno siya sa daigdig at ibibigay sa Pilipinas ang kauna-unahang gintong medalya nito sa Olimpiyada.

Ang pagiging No. 1 sa mundo ay maaaring may kahirapan at katagalan pang matupad kaysa manalo ng Olympic gold medal.

Ang walang kaduda-duda, si Yuka Saso ang pinakabagong sports sensation sa Pilipinas.

At kung paniniwalaan si Julita Tayo, ang pinakamagaling na left-handed pitcher sa softball sa daigdig noong 70s, di malayong makamit ni Saso ang kanyang mga inaasam.

Simple lamang ang rason ni Tayo: Si Saso, gaya niya, ay isinilang sa bayan ng San Ildefenso, Bulacan na itinuturing na breeding ground ng magagaling na manlalaro ng softball sa bansa. At dahil Bulakenya, may dugo rin siyang kagaya ng nananalaytay kina Marcelo at Gregorio del Pilar, Francisco “Balagtas” Baltazar at iba pang dakilang produkto ng lalawigan.

71

Related posts

Leave a Comment