COTABATO City – Patay ang isang punong barangay habang sugatan ang dalawa nitong mga kasamahan nang pagbabarilin ng kumander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Mindupok sa bayan ng Maitum sa Sarangani noong Lunes ng tanghali.
Kinilala ang napatay na si Mohammad Akmad, punong barangay ng nasabing lugar, nasa hustong gulang, habang sugatan naman ang dalawang ‘di pa natukoy na mga kasamahan ng barangay official.
Ayon sa ulat, pinagbabaril ang mga biktima ng suspek na si Esmail Minangga alyas “Boy Bakal,” Battalion commander ng 13th Biwang Brigade ng MILF, at driver nito habang lulan ng motorsiklong walang plaka, dakong alas-12:30 ng tanghali noong Lunes
Agad namang inalerto ang tropa ng militar at Maitum PNP hinggil sa nasabing pangyayari at kasalukuyan nang tinutugis ang mga suspek.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen. (BONG PAULO)
184 