PATAY ang dalawang hinihinalang miyembro ng kidnap for ransom group sa operasyon ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group noong Miyerkoles ng gabi sa bayan ng Teresa, Rizal.
Ayon kay PNP-AKG Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, armado ng search warrant No. 20-3523 for violation of RA 10591, na inisyu ni Hon. Cynthia R. Marino-Ricablanca, Executive Judge, RTC, Fourth Judicial Region, Santa Cruz, Laguna, ang kanyang mga tauhan nang salakayin ang bahay ng mga suspek na nauwi sa engkuwentro na ikinamatay ng dalawang suspek.
Ayon sa PNP-Anti-Kidnapping Group, ang mga napatay ay kinilalang si Rodel Basi at anak nitong si Romar.
Nabatid kay PNP-AKG Spokesman P/Maj. Rannie Lumactod, target ng isinagawang operasyon noong Miyerkoles ng gabi ang bahay sa Sitio Ibabaw 2 sa Dulongbayan, bayan ng Teresa para isilbi ang search warrant laban kay Rodel Cabungcal Basi.
Bukod sa dalawang napaslang, inaresto rin ng mga awtoridad ang bunsong anak ni Rodel na kinilalang si Rommel na nagtangkang pumasok sa bahay habang isinasagawa ang pagsalakay.
Nabatid na bukod umano sa mga kasong kinasasangkutan ng mga suspek ay itinuro rin ng ilang kapitbahay na may mga baril ang mga napaslang.
Bunsod nito, inalerto ni P/Lt. Col. Wilfredo Sy, hepe ng AKG Special Operation Unit, ang kanyang mga tauhan bago isinagawa ang pagsalakay bandang alas-8:15 ng gabi ngunit habang papalapit pa lamang ang mga pulis ay nagpaputok na ang mag-ama.
Ang dalawa ay sangkot umano sa insidente ng kidnapping na ang mga biktima ay ilang Indian nationals bukod sa mga kaso ng pagnanakaw.
Sangkot din sila sa gun for hire at insidente ng murder at homicide sa lalawigan ng Rizal Makaraan ang engkuwentro, nakuha sa mga suspek ang isang shotgun, isang 9mm pistol at isang cal .45 pistol. (JESS KABEL)
143
