HITMAN NG KFRG, ARESTADO SA PNP-AKG

SINALAKAY ng mga tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group Director P/BGen.

Jonnel C. Estomo ang pinaglulungaan ng isang dating sundalo na nagsilbing hitman ng kilabot na Pangilinan kidnap for ransom group sa Caloocan City.

Ayon kay P/Maj. Rannie Lumactod, tagapagsalita ng PNP-AKG, bandang alas-2:30 noong Miyerkoles nang hapon nang salakayin ng kanilang mga tauhan, sa pamumuno ni P/Col. Edward Cutiyog, hepe ng AKG-IRAD, nang makakuha ng warrant of arrest, makaraan ang ilang araw na pagmamanman, ang pinagtataguan ng suspek sa Saint Anthony St., Brgy. 186, Caloocan City, sa tulong ng Caloocan City PS.

Target ng law enforcement operation ang mala-palos na si Pfc. Diosito M. Sagrada, isang ex-Philippine Army, na idineklarang Absent Without Official Leave o AWOL.

Nabatid na sadyang madulas ang suspek na ilang ulit nang trinabaho ng intelligence operatives ngunit palaging nakatatakas.

Sinasabing pangunahing suspek ito sa pagdukot sa isang Eric Constantino noong Hunyo 5, 2013.

Nabatid na walang piyansang inirekomenda si Hon. Lumina P. Roque, Presiding Judge ng RTC Branch 29 ng 4th Judicial Region, City of San Pablo, sa kasong kidnapping with homicide, laban sa nalalabing kasapi ng Pangilinan KFRG, na pinamumunuan ni Mel Pangilinan at limang iba pang hardcore members.

Nabatid na ang naarestong suspek ay pumasok sa AFP regular force noong 1990 at makalipas ang limang taon ay nag-AWOL ito mula sa kanyang assignment sa Army 8th Infantry Division Training Unit, sa Camp Santol, San Miguel, Leyte.

Mula noon ay nagtago na ito sa mga area ng San Jose del Monte, Bulacan, Caloocan City at mga kalapit na lalawigan.

Nagsilbi umano itong bodyguard ng ilang personalidad gaya nina Ms. Baby Arenas sa loob ng apat na taon; sa may-ari ng Golangco Construction sa loob ng tatlong taon; kay Mr. Patrick Conception, may ari ng Conception industries, sa loob ng dalawang taon, at kay Mr. Arry Altavista, Iran national na nakabase sa Alabang, Muntinlupa.

“As a backgrounder, herein accused has been operated by several intelligence operatives but never caught, the apprehension stemmed on the intelligence driven police operations of AKG.”

Bukod pa sa AKG data base at court records na ka-file laban sa Pangilinan KFRG, ang akusadong si Sagrada ay itinuturong hitman ng grupo at matagal din luminya sa gun for hire at kidnapping activities sa area ng NCR, PRO4A at PRO3, ani Gen. Estomo.

Isa sa mga pinatay nila ang negosyanteng si Eric Constantino na dinukot nila sa 7/11 convenient store sa Paco, Manila at dinala sa Nagcarlan, Laguna at binaril ng ilang ulit sa utos ng kanilang big boss na si Mel Pangilinan, dahil lamang sa selos.

Nagkawatak-watak ang grupo nang gawin silang project ng PNP-AKG sa loob ng ilang taon hanggang sa isa-isa silang natunton o na-neyutralisa ng mga awtoridad.

Inaasahang mahuhuli rin sa susunod na mga araw ang iba pang kasapi ng Pangilinam KFRG habang kasalukuyan sumasailalim sa tactical interrogation, proper disposition at documentation ang arestadong suspek bago ibalik sa issuing court para sa commitment order. (JESSE KABEL)

187

Related posts

Leave a Comment