MANILA BAY REHABILITATION BIGYAN NG PAGKAKATAON

KASABAY ng selebrasyon ng mundo sa International Coastal Cleanup Day, binuksan pansamantala sa publiko ang ilang bahagi ng Manila Bay sa gitna ng rehabilitasyon nito.

Lubos ang naging interes dito kaya naman dinayo ito ng publiko, at maging ng media, mga “vloggers” para masilayan ang bagong mukha ng Manila Bay at ma-experience mismo nila ang pinag-uusapang crushed dolomite “white sand” habang nanunuod ng sunset view na kilala sa buong mundo dahil sa ­angking ganda nito.

Ilang volunteers din mula sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno ang naglinis ng baybayin bilang parte ng programa.

Sa naturang event, ­ininspeksyon ng ilang opisyal ng gobyerno kabilang na sina DENR Secretary Roy Cimatu, DOLE Secretary Silvestre Bello III, DSWD Secretary Rolando Bautista, MMDA Chairman Danny Lim, Manila Mayor Isko Moreno at DENR Undersecretary Benny Antiporda ang baybayin at “white sand.”

Isa lamang sa mga aktibidades sa buong rehabilitation program ng Manila Bay ang pagpapaganda ng beach area sa pamamagitan ng “white sand.”

Ayon kay Cimatu, prayoridad ng programa ang coastal cleanup at water quality improvement. Nais ng DENR na siguraduhing ligtas na ­languyan ang Manila Bay, para naman ang ibang mga Pilipino na walang kakayahan na makapunta sa mga beach tulad ng Boracay at El Nido sa Palawan ay makaranas din nito sa Maynila.

Napag-alaman na malaki ang kontribusyon dito ng mga informal settlers na nakatira sa paligid ng baybayin dahil ang mga solid wastes nila ay inaanod papunta sa Manila Bay. Kaya naman isang resettlement program para sa kanila ang nakaplano na.

Importante din aniya na baguhin ng mga Pilipino ang mindset sa pagtatapon ng basura kahit saan, “Napakahalaga na mabago ang kultura at pag uugali ng mga ibang tao upang tuluyang masagip ang Manila Bay,” dagdag ni Cimatu sa isang interview.

Ayon pa sa DENR, nakatayo na ang kauna-unahang solar-powered sewage treatment plant sa baywalk na kayang maglinis ng 500,000 ­liters ng maduming tubig araw-araw. ­Bumaba na daw sa hundred ­thousands ang coliform levels sa Manila Bay, kumpara sa milyon-milyon bago ang rehabilitasyon.

Naka-plano na rin ang pagpapatayo ng ilan pang treatment plants sa Paranaque, Tullahan-Tinejeros at Las Pinas-Zapote Rivers na dumadaloy lahat papuntang Manila Bay. May ilang pribadong kumpanya rin ang magpapatayo ng sewage treatment plants at ilang sub-plants sa Metro Manila.

Istrikto na ring ipapatupad ng ahensya ang three-meter easement law. Sa katunayan, ilang mga ­establishments sa paligid ng Manila Bay ang binigyan ng show cause order dahil sa mga violations nito sa clean water act.

Samantala, nanawagan naman si Mayor Isko sa mga grupo na aniya ay pinupulitika ang rehabilitasyon ng Manila Bay.

“Ako naman nananawagan, h’wag nyo nang idamay ang Maynila sa pulitika ninyo. Kailangan namin nito, kailangan namin ng malinis na dagat, kailangan namin ng malinis na ilog, kailangan namin ng malinis na creek, kailangan ‘yon ng mga susunod na salinlahi namin,” sabi ng alkalde sa ICC event.

Matatandaang naging mainit na usapin ang pagbuhos ng crushed dolomite sa baybayin, at sinabing artipisyal na rehabilitasyon lamang ang programa. Kinuwestyon din ang epekto ng dolomite sa kalusugan kapag na-inhale, bagay na nilinaw ni DENR Usec Antiporda.

Ayon kay Antiporda, ang crushed dolomite boulders mula sa Cebu ay dinurog na bago pa dalhin sa Maynila. Ang dolomite na ito ay may laki na two to five millimeters o 2,000 to 5,000 microns, 100 times na mas malaki kaysa sa fine dust na pwedeng ma-inhale ng tao.

Binigyang diin pa ito ni Mayor Isko, “Umasa kayo na sa maliit ­naming kaparaanan bilang pamahalaang lungsod, ‘di rin naman kami papayag na anumang uri ng ­development we introduce sa lungsod ay makapaminsala sa kalusugan ng tao sapagkat yan ay obligasyon nila, obligasyon namin na ­mapanitiling ligtas ang bawat tao.”

Malaki ang potensyal ng proyektong ito ng gobyerno, lalo’t babalikan natin ang nangyari sa Boracay rehabilitation poject na talaga namang malaki ang naging tulong para ma-preserve ang isla at mapangalagaan ang yaman nito. Hindi rin maipagkakaila na malaki ang impact nito sa mga naninirahan at mga nagne-negosyo sa isla dahil sila mismo nagkaroon ng kusa na panatilihing malinis ang pinanggagalingan ng kabuhayan nila.

Inumpisahan na ng gobyerno ang hakbang sa pagpapaganda ng Manila Bay, kaya naman suporta ng private sector at mga mamamayang Pilipino ang kailangan para siguraduhing maging matagumpay ito.

171

Related posts

Leave a Comment