Danny Floro: “Coach Baby disciplines the players, I spoil them”

KUNG si coach Baby Dalupan ng Crispa ang siyang nagdidisiplina sa mga manlalaro ng koponan ng Floro and Sons mula noong 1962, si Danny Floro naman ang taga-spoil.

“Yeah, Baby disciplines them, I spoil them,” humahagikgik na pagtatapat ni Redmanizers team manager/owner kung bakit nagtagal ng halos 25 taon ang kanilang samahan, na naging pinakamatagumpay sa kasaysayan ng basketbol sa Pilipinas.

Di kukulangin sa 22 korona ang nakolekta ng tambalang Floro-Dalupan, mula nang magsama sila hanggang sa magretiro si Baby noong 1984 upang aniya’y makapagpahinga na sa basketbol at gugulin ang nalalabi pang buhay niya sa pamilya.

Subalit hindi natanggihan ni Baby ang isa pang matalik na kaibigang si Ignacio “Iggy” Gotao ng Great Taste, ang koponang binigyan niya ng limang kampeonato sa PBA mula 1984 hangang 1987, bago siya lumipat sa Purefoods na hinandugan niya ng isa pang kampeonato noong 1991.

Tunay na ang tambalang Floro-Dalupan ang pinakamaraming napanalunang titulo mula amatyur hanggang pro. Ito rin ang pinakamatagal sa kasaysayan ng world basketball.

Sa organisasyon ng Crispa, ang coach ang may otoridad sa komposisyon ng koponan. Si Baby ang may kapangyarihan kung sino ang papalitan at kung sino ang kukunin. Kahit si Boss Danny, walang pakialam.

At dahil sa ganitong set-up, napanalunan ng Redmanizers ang kauna-unahan nilang kampeonato – ang National Seniors – noong 1970 o walong taon mula nang hawakan ito ni Baby.

Nakamit nila ang titulo sa National Seniors ng walang talo (13-0), na sinundan ng matagumpay na kampanya sa MICAA, President’s Cup at Challenge to Champions.

Mula rito ay dinomina ng Redmanizers and lahat ng torneong sinalihan nila, hanggang sa sumama sila sa siyam pang koponang nag-organisa ng kauna-unahang ligang propesyunal sa bansa at maging sa Asya man noong 1979 — PBA.

Ang Redmanizers din ang kauna-unahang koponang nagwagi ng Grand Slam sa PBA kaya’t tinagurian silang “Team of the Decade.”

Salamat sa napakahigpit na disiplinang ipinatupad niya sa kanyang mga manlalaro. Walang makababali sa kung anong gustuhin ni Baby para pasunurin ang lahat sa kanyang utos.

Walang superstar kay Baby at maaga itong nalaman ng kanyang mga manlalaro, mula sa popular na si Atoy Co hanggang kay Rey Franco.

Maging ang 6-9 import na si Cyrus Mann na naging istrumento sa maraming koronang nasungkit ng Crispa ay hindi nakaligtas sa mapanuring mga mata ni Baby.

Nang minsang mahalata ni coach na ayaw maglaro ng kanyang import ng gaya ng inaasahan sa kanya, agad niya itong kinumpronta sa harap ng kanyang mga teammate at pinagsabihan: “You can pack now and go home to your country. We don’t need a guy who has no interest in playing the game.”

Nagbagong bigla ang ugali ni Mann sa laro mula noon.

251

Related posts

Leave a Comment