HINIMOK ni Senador Sonny Angara ang Commission on Elections (COMELEC) na magsagawa ng ‘early voting’ para sa may 10 milyong senior citizens at persons with disabilities (PWD) upang matiyak ang partisipasyon nila sa eleksyon at mabawasan ang panganib sa kanilang kalusugan dulot ng COVID-19 pandemic.
Nababahala si Angara na posibleng hindi mabigyan ng pagkakataong makalahok sa halalan ang mga senior at PWD dahil sa isyu ng access at posibleng mahirapan sumabay sa milyong regular voters.
“Mas makakabuti para sa ating mga seniors at PWDs na may hiwalay na araw ng pagboto para sa kanila. Napakahirap para sa kanila na pumila pa habang mainit at makipagsiksikan sa mga tao lalo na at may pandemiya pa. Alam naman natin kung gaano kadelikado para sa mga may edad na ang COVID-19 na hanggang ngayon ay wala pang bakuna,” saad ni Angara.
Tiniyak ni Angara na maghahain siya ng panukala para isulong ang early voting sa 2022 general elections na tiyak na makatutulong sa maraming senior at PWD.
Isa pa sa panawagan ni Angara sa COMELEC ay ang paggamit ng polling places na madaling puntahan ng mga senior at PWD para makaboto.
“Comelec should study using venues such as gymnasiums and covered courts for use of our seniors and PWDs on election day. They should also work on providing people to assist them on site. Wag na natin sila pahirapan pa,” diin ni Angara.
Nais din ni Angara na palawigin ang oras ng pagboto upang mas maraming botante pa rin ang makalahok sa gitna ng inaasahang pagpapatupad ng health protocols sa mga presinto.
Tiniyak ng senador na bubusisiin niya sa COMELEC sa kanilang budget hearing ang preparasyon nito para sa 2022 elections at ang paninigurong matutuloy ang halalan. (DANG SAMSON-GARCIA)
194 