CAVITE – Makaraang palayain matapos akusahan ng pagpatay at panggagasaha sa isang 12-anyos na dalagita, tila nakonsensiya ang suspek nang matagpuan itong nakabigti sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Rosario sa lalawigang ito.
Pasado alas-6:00 nitong Sabado ng umaga nang matagpuang nakabigti at wala nang buhay si Lery Arguelles, alyas Early, sa kanilang bahay.
Si Arguelles ang suspek sa pagpatay at panggagahasa sa isang 12-anyos na batang babae na natagpuang nakabaon sa lupa ang katawan sa Brgy. Muzon 2, Rosario, Cavite noong Agosto 30.
Naaresto ng mga tauhan ng Rosario Police si Arguelles sa Trece Martires City, Cavite noong Setyembre 21, makaraang nakipagtulungan ang pamilya nito.
Ngunit noong Biyernes ay nagbaba ng kautusan ang piskalya para palayain si Arguelles (released for further investigation) gayunman, nitong Sabado ng umaga ay natagpuang nakabigti sa kanilang bahay.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung may foul play sa pagkamatay ni Arguelles.
Matatandaang natagpuang patay ang biktimang si Louisa Hilera, 12-anyos, dakong alas-6:30 ng gabi noong Agosto 30 makaraang maligo sa poso kasama ng ilang kaibigan.
Natagpuan ang bangkay ng biktima na nakasilid sa sako, lawit ang dila at nakabaon nang bahagya sa lupa at pinaniniwalaang ginahasa muna bago pinatay. (SIGFRED ADSUARA)
420 