PABRIKA NG ANTI-PERSONNEL MINES, NADISKUBRE NG MILITAR SA MAGUINDANAO

MAGUINDANAO – Nadiskubre ng mga tropa ng Joint Task Force Central (JTFC) ang pagawaan ng anti-personnel mines (APM) sa nagpapatuloy na combat clearing operations ng mga tauhan ng 6th Infantry Division ng Hukbong Katihan ng Pilipinas laban sa local terrorist groups (LTG) sa Sitio Talpok, Barangay Salman, sa bayan ng Ampatuan sa lalawigang ito, noong Biyernes ng tanghali.

Ayon sa ulat na nakarating kay JTFC commander, Maj. Gen. Juvymax R. Uy, habang nagsasagawa ng operasyon ang mga tropa ng 1st Mechanized Infantry Battalion ay natagpuan ng mga ito ang APM factory sa posisyon ng kalaban at tumambad sa kanila ang iba’t ibang unexploded ordnance (UXO), war materials na kinabibilangan ng isang round 105mm UXO, 1 round 60mm UXO, 12 57RR shells, 17 57RR empty shells, 100 grams black powder, APM-making components at notebook na naglalaman ng mga ‘lecture’ kung paano gumawa ng APM.

Ayon kay Lt. Col. Omar Orozco, pinuno ng 2nd Mechanized Infantry Battalion, alas-12:00 ng tanghali nang makita ng mga tauhan nito ang isang abandonadong kubo at doon bumulaga sa kanila ang mga sangkap sa paggawa ng bomba.

Sinabi ni Maj. Gen. Uy, patuloy ang pagtugis ng mga tropa ng pamahalaan laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiya sa lugar na banta sa seguridad ng mamamayan ng South at Central Mindanao. (BONG PAULO)

172

Related posts

Leave a Comment