Anti-Filipino si Lebron James?

NAGSIMULA na ang best-of-seven Finals ng NBA kahapon sa pagitan ng Miami Heat at Los Angeles Lakers. Dalawang personalidad na dating magkasama sa iisang koponan – coach Erik Spoelstra at player LeBron James, dating Heat na ngayon ay Lakers na – ang magkakaharap muli bilang magkalaban.

Pero alam ba ninyong si James, sa unang taon pa lamang ng kanilang pagsasama ng dati niyang Fil-Am mentor ay hinangad nang ipatanggal si Spoelstra bilang band leader ng koponan? Hindi dahil si James, na ayon sa ­marami ay GOAT o Greatest Basketball Player of All Time, ay anti-Filipino.

Si Spo ay anak ni Dutch-Irish-American Jon Spoelstra at inang Pilipinang si Elisa Celino na tubong San Pablo, Laguna.

Sa hindi malamang kadahilanan, ayaw na ayaw ni James na makasama si Spo sa Miami. Kung pagaaralan lamang ang mga ikinikilos ni James, mula nang siya’y sumikat sa pagiging manlalaro, ang paningin niya’y mas malayo.

Ambisyon niyang maging coach, playing coach kung posible, at mas mataas pa. Balak din niyang palitan si Pat Riley, pangulo ng Miami sports, at maging si Magic Johnson, ang katapat ng huli sa samahan ng Los Angeles Lakers.

Nakalulungkot isipin na kung nagtagumpay si James sa kanyang hangad na patalsikin si Spo sa Miami noong 2010 pa lamang, hindi sana natin nakita ang isang Fil-Am o Asian-American na maging kampeon sa NBA.

Sa kabutihang palad sa Heat at kay Spoelstra, hindi pumayag si Riley sa gusto ni James.

Nakapasok sa NBA Finals ang Heat ng apat na beses at nagwagi ng titulo ng dalawang beses, habang naregaluhan niya ang ambisyosong si James ng kauna-unahan nitong korona.

At ang pinaka-mahalaga sa lahat, nabigyan ni Spoelstra ang Pilipinas at ang Asya ng kauna-unahang kampeonato sa pinaka-matanda at prestihiyosong liga propesyonal ng basketbol sa daigdig.

Na sa tingin ng marami, kabilang ang kolumistang ito, ay hindi rin nakuha ni James kung iba ang naging coach niya sa Miami.

Ang tagumpay ni Spo ay hindi narating nina coach David Blatt at Tyron Lue, kapwa ng Cleveland, at Luke Walton ng Lakers, na pawang napalayas ni James sa kani-kanilang puwesto.

Siyempre, labis ang kasiyahang nadarama ng inyong lingkod, gaya ni Gng. Spoelstra, na ipinanganak at lumaki rin sa San Pablo. Karangalan naming lahat na San Pableno, na magkaroon ng kababayang tulad ni Erik at ng kanyang ina.

102

Related posts

Leave a Comment