BISTADOR ni RUDY SIM
ISANG maimpluwensyang Indian national ang umano’y HAPPY sa pakikipagsabwatan sa ilang mga tauhan at opisyal ng Intelligence Division ng Bureau of Immigration, sa pangha-harass sa mga hindi nito hawak na negosyante sa larangan ng lending business at umano ay tinatakot at kinikikilan.
Matatandaang inireklamo ng Indian community kamakailan ang pangongotong ng isang dating opisyal ng Intelligence na si alias “Jude” at kinasuhan ni alias “James” na malapit kay FL, ang ginawang panghuhuli ng BI agents kahit may mga papeles at lehitimo ang mga papeles nito kung saan ay hugas-kamay na naman ang opisyal ng BI- Intelligence na si alias “Mang Kanor”.
Makaraang pumutok ang isyu ng mga dayuhang inireklamo ng kompanyang CommSec noong nakaraang taon kaugnay sa higit isanlibong dayuhan na ginamit ang kanilang kompanya upang makakuha ng working visa na walang permiso, at hiniling sa ahensya na imbestigahan at ilagay sa blacklist, ngunit hanggang ngayon ay tila piling-pili ang mga kinansela at inilagay sa blacklist dahil ayon sa ating impormante ay under negotiation pa ito kung magkano?
Ito kaya ang dahilan kung kaya’t dalawang beses magkasunod na nagtungo sa Vietnam itong si alias “Haidee” kasama ang ilang liaison officers ng iba’t ibang travel agencies at ilang empleyado na mahilig sa free taste sa libreng biyahe sa ibang bansa. Ano kaya ang dahilan kung bakit nagtungo sa Vietnam na may kasamang BI employees? Paano Kaya ang mga ito nakakuha ng travel authority samantalang ang biyahe ay hindi naman official trip? Kasarap ng buhay, ano po? Teka, nakasabit kaya sa libreng biyahe itong bebot ni Torne na si alias “Joyce”?
Bukod sa Happy itong mga nagbiyahe sa Vietnam, kasama rin ang isang sponsor na bossing ng Bumbay na si alias “Kupal” este Sukhpal, ay ilan sa dahilan umano ng biyahe ay upang kausapin ang iba pang kliyente ng mga ito sa Vietnam na mga Vietnamese, Chinese at Indian nationals na nais magtungo sa ating bansa at itong sindikatong grupo na ito ang aayos mula sa pagpasok nila sa airport. Take note ha, akala ba ninyo ay tapos na ang raket ng mga tiwaling immigration officers mula sa NAIA terminal 1 hanggang 3 matapos ang Pastillas scandal kung saan ay nakatimbre na ang mga pangalan ng mga parating na pasahero kapalit ang kada ulong presyo ng mga dayuhan upang makalusot sa immigration counter na isang raket din umano nitong laging masaya na Happy.
Bakit hindi imbestigahan ng Intelligence ang papel nitong masaya na nga ay Happy pa, na ayon sa ating source ay ginamit lamang ang kasal nito sa isang Pinay upang makakuha ng temporary resident visa o TRV. Gaano kaya katotoo na kasabwat nito ang isang tauhan ni Mang Kanor na si alias “Char”? Tila sunud-sunuran umano ito sa masaya na nga ay Happy pa, kung sino ang mga kapwa Indian national na ipahuhuli nito upang kanilang kotongan at hawakan sa leeg?
Sa susunod ay atin naman ibibisto ang sindikatong humahawak ng mga parating na pasahero sa airport at kung kanino nagbibigay ng Tara?
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
70 