PARA patunayan na walang nangyayaring recycling sa merkado ng mga nasabat na ilegal na droga, ipinakita ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagsira sa nakumpiskang mapanganib na droga na nagkakahalaga ng P1,913,229,701.78 nitong Hulyo 8, 2026, sa Cosmopolitan Memorial Chapels and Crematory sa Gregorio Araneta Avenue, Barangay Doña Imelda, Quezon City.
Ayon kay PDEA Director General Usec. Isagani Nerez, ang hakbang na ito ay muling nagpapatibay sa pangako ng pamahalaan na matiyak na ang mga nasamsam na ilegal na droga ay hinding-hindi na muling makararating sa mga komunidad.
Ang pagsunog sa mga droga ay sinaksihan ni Dangerous Drugs Board (DDB) Chairman Secretary Oscar F. Valenzuela bilang Guest of Honor at Speaker, kasama ang mga kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), at mga ahensya ng pagpapatupad ng batas (law enforcement agencies), non-government organizations (NGOs), mga opisyal ng barangay, at media.
Nagsisilbi itong patunay sa transparency at pananagutan ng kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, sabi pa ni Usec. Nerez.
Kabilang sa mga winasak na droga sa pamamagitan ng ‘Thermal Decomposition’ o pagsunog sa pamamagitan ng mataas na antas ng init, ang kabuuang 335,668.1821 gramo ng solidong droga at 1,025.7000 mililitro ng likidong mapanganib na droga.
Kabilang sa sinirang dangerous substance ang 279,671.7975 gramo ng shabu o crystal meth, 55,618.9291 gramo ng dried marijuana, ecstasy (MDMA): 202.6755 gramo (nasa loob ng 316 capsules), pseudoephedrine: 97.2800 gramo, diazepam: 77.5000 gramo, liquid marijuana na nasa 933.0000 mililitro, toluene: 92.7000 mililitro.
Ang bulto ng droga ay nasamsam sa mga operasyon ng PDEA at iba pang ahensya, na kalaunan ay ipinag-utos ng korte na sirain matapos gamiting ebidensya sa mga matagumpay na isinampang kaso.
(JESSE RUIZ)
66 