COVID-19 NAGBIGAY ARAL DIN SA ATING MGA PINOY

MARAMI tayong natutunan sa pandemyang dulot ng ­COVID-19. Isa-isahin po natin kung anong mga aral na ito.

Sa pulitika, dahil sa ­COVID-19 ay nakilala natin ang mga tinatawag na TRAPO o traditional politician.

Sila yung mga napipilitan lang tumulong sa taumbayan para sa kanilang ambisyong politikal.

Marami riyan ang nakikisawsaw lang sa mga maiinit na isyu para lang mapansin at mapag-usapan.

Ika nga nila ‘good or bad publicity is still a publicity.’ Pero hindi na natin babanggitin ang kulay sa pulitika ng mga gumagawa ng ganitong style.

Kilala naman sila ng taumbayan kaya magkakaalaman na lang pagdating ng eleksyon sa 2022.

Ngayon pa lang kaliwa’t-kanan na ang kanilang PUNA sa hindi nila magustuhan sa kasalukuyang administrasyon. Hindi talaga mawala sa ating mga Pinoy ang ‘utak talangka’ na tinatawag.

Pilit nilang hinihila pababa ang tao na gusto nilang ibagsak.

Isa pang hindi magandang kaugalian sa ating pulitika ay yung kahit na maganda ang proyekto ng kanyang pinalitan sa pwesto ay hindi niya itutuloy ito.

Kaya naman maraming proyekto ang nakatiwangwang na lang dahil sa ganitong kaugalian ng mga pulitiko. Ayaw nilang masabi na ang proyekto ay sinimulan ng kanyang pinalitang pulitiko.

Kung talagang maganda ang kanilang layunin oposisyon ka man o administrasyon basta’t ikabubuti ng taumbayan dapat ay ituloy ang proyekto.

Kung gusto mong magserbisyo sa taumbayan, huwag ka ng pumuna tumulong ka na lang.

Ang iba riyan ay tumulong sa pamamagitan ng pamimigay ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan pero sa kabila nito ay kumita pa pala sila.

Bakit kamo? Kasi sasabihin nila namigay sila ng pagkain sa kanilang nasasakupan. Anong klaseng pagkain naman? Baka ang nakalista ay mamahaling pagkain, pero ang ipinamigay na delata ay pwede lang sa pusa.

Naalala ko tuloy yung natanggap naming delata, na sa tagal ko nang kumakain ng sardinas ngayon ko lang nakita ang tatak na yun (Gold Cup).

Kahit na anong kalalagay namin ng kalamansi sa sardinas na yun ay hindi talaga naalis ang lansa. Mas mabuti pa kung sariwang isda na lang ang kanilang ipinamigay.

Pansinin naman natin ang ilang mga negosyante na sa gitna ng pandemya ay nagawa pa nilang magsamantala. Iniipit ang kanilang mga produkto para may rason sila na magtaas ng presyo dahil sasabihin nila kulang sa supply.

Nariyan din ang mga manloloko sa online selling dahil sa hindi makalabas ang mga Pinoy na kunwari ang kanilang ipakikitang produkto ay maganda pero pag idineliber ay wala sa ayos.

Dumagsa rin ang illegal drugs sa lansangan, tulad halimbawa ang kaliwat-kanang nahuhuli ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD). Kung kelan limitado ang paglabas ng mga tao sa lansangan at saka naman dumami ang transakyon sa illegal drugs. Anyare?

Lumabas din naman ang kaugalian ng mga Pinoy na maawain sa kapwa dahil marami rin tayong nakikita na namimigay ng mga pagkain at kung anu-ano sa mga kapus-palad.

Kaya naisip natin na may dulot din palang kabutihan ang ­pandemyang ito.

Nakapagturo rin ito na dapat pala pag may trabaho tayo o pinagkakakitaan ay magtipid tayo para sa panahon na gaya nito ay may madudukot tayo.

Kaya magandang halimbawa ang langgam na nag-iipon siya ng pagkain habang tag-init pa dahil pag dumating na ang tag-ulan ay hindi sila makakapagtrabaho.

Sana ganun din ang tao habang pwedeng makapagtrabaho ay mag-ipon para pagdating ng panahon na hindi na pwede magtrabaho ay may kakainin tayo. At samahan na rin natin ng pagdarasal sa Panginoon.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

80

Related posts

Leave a Comment