SA HALIP na mapahina, lalo pang napatibay ng cross-examination ng defense panel ang kaso ng House prosecution laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa mga opisyal ng House impeachment panel.
Sinabi nina House impeachment adviser at spokesperson Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na hindi sinasadyang napatibay ng pagtatanong ng depensa ang posisyon ng prosekusyon na si Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez ay isang material witness na dapat marinig ng Impeachment Court.
Ayon kay Barbers, malaking bahagi ng cross-examination ng depensa ay umikot sa mga pangyayaring may kaugnayan sa mga pahayag ni Vice President Duterte, kabilang ang mga video clip na nagpapakita sa reaksyon ni Lopez at mga tanong hinggil sa kanyang relasyon at pakikipag-ugnayan sa Bise Presidente.
“Napansin namin na malaking bahagi ng cross-examination ay umikot kay Atty. Zuleika Lopez. Kung ang mismong depensa ay nakikitang mahalaga ang mga usaping iyon upang maipaliwanag ang konteksto ng mga naging pahayag, lalo lamang nitong ipinakikita na si Atty. Lopez ay isang material witness na may personal na kaalaman sa mahahalagang pangyayari,” ani Barbers.
Naniniwala ang prosekusyon na ipinakita ng cross-examination na may mahahalagang impormasyon si Lopez na makatutulong sa Impeachment Court upang maunawaan ang konteksto ng mga pahayag ni Vice President Duterte.
“Kung ang depensa mismo ang nagbukas ng mga tanong na si Atty. Lopez lamang ang makapagpapaliwanag batay sa kanyang personal na kaalaman, mas lalong mahalagang marinig ang kanyang testimonya,” dagdag ni Barbers.
Samantala, sinabi ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang desisyon ng prosekusyon na hindi na magsagawa ng re-direct examination sa unang testigo na si National Bureau of Investigation (NBI) Senior Agent John Mark Calilung ay patunay sa lakas ng testimonya nito dahil hindi umano nagawang pahinain ng depensa ang kanyang mga pahayag sa kabila ng masusing pagtatanong.
“The prosecution saw no need to conduct a re-direct examination because the cross-examination failed to create any material issue that required clarification,” ani Adiong.
Ayon pa kay Adiong, nanatiling matatag si Calilung sa mga pangunahing punto ng kanyang testimonya sa buong cross-examination ng depensa.
“This is only the beginning. The Filipino people have seen the first witness withstand intense questioning. More witnesses and more evidence will follow,” dagdag pa nito.
Magbabalik ang impeachment proceedings sa Hulyo 13 kung saan kabilang sa mga nakatakdang humarap bilang testigo si NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa Hulyo 13, si Atty. Zuleika Lopez sa Hulyo 14, at Senate Sergeant-at-Arms Capt. Belinda Bello sa Hulyo 15.
(TINA MENDOZA)
106 