INABANDONA ANG MGA MANGGAGAWA, PALYA SA KORAPSYON AT SUKO NA SA SINDIKATO

KAHIT ang Liberal Party (LP), o higit kilala ngayon sa tawag na “Dilawan”, ay alam na napakaraming problemang iniwan si dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III sa kanyang anim na taong termino.

Kung hindi ito alam, o tahasang itanggi, sa pangunguna nina Bise-Presidente Maria ­Leonor Robredo (chairperson ng LP), Senador ­Franklin Drilon (vice-chairman ng LP) at Senador Francis Pangilinan (pangulo ng LP), e, hindi kalabisan kung sasabihin kong wala kayong nalalaman.

Sa mga suliraning iniwan ni Aquino, tiniyak naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na babaguhin niya ang mga ito.

At iyan ay pasok sa campaign slogan ni Duterte na “Change is Coming”.

Ang pangunahing ipinangako ni Duterte ay ang ­kalagayan ng mga manggagawa, korapsyon at ilegal na droga.

Makalipas ang apat na taon, napakalinaw ng resulta: Inabandona ang mga manggagawa, pumalya sa korapsyon at sumuko sa ­gyera laban sa mga sindikato ng ­ilegal na droga.

Hanggang ngayon nanatili ang kontraktuwalisasyon, mababang sahod ng mga manggagawa, maraming nawalan ng trabaho at marami pa ring mga manggagawa na hindi kasapi ng unyon.

Hindi todo-todong binigwasan ni Duterte ang mga kapitalista sa mga pananamantala nito.

Ang natatandaan kong tuluy-tuloy na binira ni Duterte ay ang ilang piling malalaking kapitalista na mayroong atraso sa pamahalaan tulad ng mga Ayala, Manny Pangilinan, Eugenio Lopez III at Lucio Tan.

Sa korapsyon ay palpak din si Duterte dahil walang naniwalang “zero tolerance” siya sa problemang ito.

Katunayan, hanggang ngayon ay patuloy ang korapsyon na umaangat sa antas ng pandarambong sapagkat P50 milyon pataas ang ninanakaw na pera ng iba’t ibang opisyal ng mga ahensiya ng pamahalaan.

Kung totoong agresibo ang laban ni Duterte sa korapsyon ay tanggal kaagad sa puwesto at katakut-takot na mga kasong kriminal ang isasampa sa mga opisyal na ito.

Pero, hindi naganap.

Sa larangan ng droga ay galit pa rin si Duterte. ­Katunayan, sinabihan niya si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na barilin ang mga taong may kinalaman sa pagpasok ng ilegal na droga sa mga pantalan ng Bureau of Customs (BOC).

Araw-araw pa rin namamatay at nadadakip ang mga taong nabubuhay sa shabu, marijuana, ecstasy at iba pa.

Ngunit, nakagugulat na napakalaki nang ibinawas ng Department of Budget and Management (DBM) sa panukalang badyet ng ­Dangerous Drugs Board (DDB) at ­Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA).

Ang badyet ng DDB, PDEA at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan ay dumadaan sa pangulo ng bansa at ­syempre binabasa, inaalam at inaaprubahan niya ang mga ito bago maging pinal sa DBM.

Ipapasa ng DBM sa Kongreso upang malaman nila kung dapat ipasa ang ­hinihinging badyet ng pangulo.

Sa hinihinging badyet para sa 2021, nadiskubre sa Senado na binawasan ang badyet ng DDB at PDEA.

Mula P520.4 milyon, P344.5 milyon ang badyet ng DDB para sa 2021.

Naging P2.731 bilyon sa PDEA mula sa P4.911 bilyon.

Mahalaga ang papel ng DDB sa pagsugpo laban sa ilegal na droga dahil ang mga patakaran ni Duterte ay pinipino at ginagawang higit na makabuluhan ng DDB na kasalukuyang ­pinamumunuan ni Secretary Catalino Cuy.

Ang PDEA naman ang pangunahing armas ng pamahalaan laban sa iligal na droga alinsunod sa itinakda at ipinag-utos ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pangalawa lamang ang Philippine National Police (PNP).

Kaya, nakapagtataka namang napakalaki ang tinanggal sa DDB at PDEA.

Nangangahulugan tuloy na sumuko na si Duterte sa ­gyera nito laban sa iligal na droga dahil sa sa naganap na ito.

Okey lang sigurong bawasan ang badyet ng DDB at PDEA, ngunit huwag naman sobrang laki, lalo na sa PDEA na P2.731 bilyon na lang mula sa P4.911 bilyon.

Pokaragat na ‘yan!

Totoong matinding ­problema pa rin ang coronavirus disease 2019 (COVID-19), ngunit hindi naman kailangang liitan nang sobra ang badyet ng PDEA, sapagkat walang ibig sabihin nito kundi sumuko na ang laban sa iligal na droga.

Pero, kung pagpatay sa mga maliliit na tulak ng droga ang pokus ng administrasyong Duterte mula ngayon hanggang Hunyo 2022, walang ­dapat ipagtaka at kuwestyonin sa badyet ng DDB at PDEA dahil mukhang sapat na ang P344.5 milyong badyet ng DDB at P2.731 bilyon ng PDEA.

126

Related posts

Leave a Comment