TINUGON ng ilang lokal na pamahalaan ang panawagang ipagbawal ang pagbi-videoke/karaoke upang hindi maistorbo ang mga mag-aaral na nagsimula na sa kanilang online classes.
Sa lungsod ng Navotas ay hiniling ni Mayor Toby Tiangco sa Konseho na gumawa ng resolusyon para ipagbawal ang videoke at malalakas na pagpapatugtog matapos magreklamo dahil sa ingay ang mga estudyanteng nasa online classes.
Sa sulat ng alkalde sa Konseho, hiniling nitong ipagbawal ang pag-iingay maliban kung araw ng Linggo.
“Sumulat po tayo sa ating Sangguniang Panlungsod para mapag-usapan nila ang pagpasa ng ordinansa ukol sa pagbabawal ng paggamit ng videoke at karaoke o pagpapatugtog nang malakas mula Lunes hanggang Sabado. Ito ay para matulungan natin ang ating mga estudyante na makapag-aral nang mabuti,” anang alkalde.
Sa araw naman ng Linggo ay papayagan ang nasabing aktibidad dahil walang pasok ang mga estudyante ngunit limitado pa rin ito mula lamang 1 p.m. hanggang 10 p.m.
Ang kahilingan ng alkalde sa Sanggunian na pinamumunuan ni Vice Mayor Clint Geronimo ay “for urgent consideration.”
Nauna rito, inanunsyo sa lungsod ng Maynila ang pagbabawak sa karaoke at videoke, gayundin ang paggamit ng iba pang instrumento o makina na lumilikha ng ingay simula 7:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, Lunes hanggang Sabado.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, nilagdaan na ang Ordinance No. 8688 makaraang makatanggap sila ng mga reklamo mula sa mga magulang na naiistorbo ang pag-aaral ng mga anak dahil sa pagka-karaoke at videoke ng mga kapitbahay.
Ang naturang ordinansa ay nilagdaan din nina City Council Majority Floor Leader Joel Chua at City Council Presiding Officer Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan.
Ang first-time offenders ay pagmumultahin ng P1,000 habang ang second-time offenders ay P2,000 at P3,000 sa ikatlong paglabag.
Nauna nang hinimok ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga LGU na magpasa ng ordinansa na magbabawal sa videoke at iba pang uri ng pag-iingay na makasisira sa konsentrasyon ng mga mag-aaral.
“Bilang mga disiplinado at responsableng mga magulang at mamamayan, tulungan natin ang ating mga estudyante na mabigyan ng tahimik at payapa na kapaligiran para sila ay makapag-aral ng mabuti sa kani-kanilang mga tahanan,” ayon sa pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año. (FRANCIS SORIANO/RENE CRISOSTOMO)
215
