LAGUNA – Isang bagong silang na sanggol ang natagpuan sa isang basurahan sa bayan ng Liliw sa lalawigang ito.
Nabatid sa ulat, nakarinig ng iyak ng sanggol si Wilson Tubangbanua, 39-anyos, ng Brgy. Banago, Nagcarlan.
Pagkaraan ay natagpuan niya ang biktima sa isang basurahan sa Barangay Calumpang.
Kwento niya, hindi sana niya papansinin ang pag-iyak ng sanggol sa pag-aakalang multo ito.
Ngunit dahil patuloy ang pag-iyak, hinanap niya ito at natagpuan ang sanggol sa masukal na bahagi sa isang lilim ng punongkahoy kasama ng mga basura.
Nakabalot umano ang sanggol sa puting tuwalya at nakapulupot sa leeg ang pusod nito.
Humingi ng tulong si Wilson sa mga barangay official na siyang nagdala sa sanggol sa Nagcarlan District Hospital.
Inaalam pa kung sino ang nag-iwan sa sanggol upang panagutin sa pag-abandona rito. (CATHERINE CUETO)
