AABOT sa P4.6 bilyong cash assistance ang ipamamahagi sa 1.1 milyong magsasaka upang mabawasan ang kanilang paghihirap sanhi ng pandemya at pagbagsak ng presyo ng palay, ayon kay Senador Cynthia Villar.
Sa pahayag, sinabi ni Villar na kanyang pinangunahan ang pagdinig nitong Biyernes na tumalakay sa Senate Joint Resolution No. 12 na nagbibigay pahintulot sa paggamit ng sobrang koleksiyon ng Bureau of Customs (BOC) sa rice importation nitong 2020 bilang cash assistance sa magsasaka na may bukid na isang ektarya pababa.
“According to a preliminary report from BOC, from January to September 2020, they have already collected P13.6 billion, may excess na P3.6 billion. May natira pa na sobrang collection noong 2019,” pahayag ni Villar.
“So together we want that money to be included in the General Appropriations Act and use that as cash assistance to rice farmers,” dagdag pa nito.
Ayon kay Villar, hinihiling din niya sa Department of Agriculture (DA) na ire-direct sa cash assistance fund ang P1 bilyon sa crop diversification program upang mas maraming pera ang maipamahagi sa magsasaka na P4.6 bilyon ang buong halaga.
Inakda ni Villar ang resolusyon para sa agarang pagpapatupad ng probisyon sa Republic Act 11203 o ang rice tariffication law.
Nakasaad sa batas na lahat ng sobra sa P10 bilyong importation dues ay ilalaan sa pinansiyal na tulong sa mga magsasaka, sa pagpapatitulo sa agricultural rice lands, expanded crop insurance program sa bigas o sa crop diversification program.
“Sa tingin ko mas maganda na ibigay na lang sa rice farmers kaysa ilagay pa sa programa. Marami namang programa ang DA. Mas kailangan ng farmers ang pera ngayon so they can spend for their immediate needs especially in this time of pandemic,” ayon kay Villar.
Hiniling din ni Villar kay Agriculture Secretary William Dar na atasan ang Bureau of Plant Industry (BPI) na ihinto ang pagbibigay ng import permits sa bigas.
“Bakit ba tayo nag-iimport pa, iyan naman ang question ko sa BPI, iyong nagbibigay ng permit sa importation. Pigilan mo ang BPI, ayaw tumigil nang kabibigay ng import permit, bagsak na bagsak na ang presyo ng palay,” sabi pa ni Villar.
Kasama ni Villar sa pagdinig sina Senadora Nancy Binay, Imee Marcos, Francis Pangilinan at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Pinagtibay ng mga senador ang lahat ang resolusyon at sinang-ayunan ang pagsusumite ng panukala sa plenary consideration para sa approval nito. (ESTONG REYES)
216 