KINUMPIRMA ni Philippine Navy Flag-Officer in Command Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo na nagsimula nang mag-deploy ng military personnel sa retired Nido and Matinloc gas platforms na planong gawing permanenteng littoral monitoring stations ng Hukbong Dagat.
“I would like to add also we have inspected the Nido platform and also the Matinloc platforms in the West Philippine Sea (WPS) and we are putting Navy personnel in that area and also the Area Command (is) putting their personnel there and initially, we [will] develop that into littoral monitoring station[s],” pahayag kahapon ni VAdm Bacordo sa ginanap na virtual presser.
Nabatid na personal na binisita ni Bacordo ang dalawang dating gas platforms sa dulong bahaging Hilaga ng Palawan para pag-aralan ang gagawing conversion at mapakinabangan sa pagbabantay sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ayon kay Bacordo, ang Nido platform ay magsisilbing bantay sa Recto bank habang ang Matinloc platform ay imo-monitor ang Malampaya gas field at Malampaya platform.
Una nang inihayag ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang plano na gawing littoral monitoring station ang dalawang retired gas platforms na tatauhan ng Phil. Navy.
Nabatid na nitong nakalipas na taon ay itinigil ng Department of Energy (DOE) ang kanilang mahigit 40 taong production operations sa dalawang gas fields.
Ang transfer of ownership ng mga nabangit na gas platforms ay inalok ng DOE sa National Task Force sa West Philippine Sea.
Nasa kamay na ng Department of National Defense na kunin ang mga nabangit na platforms at agad ibigay sa AFP. (JESSE KABEL)
195 