PINABABAYARAN na ng isang senador sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang pagkakautang nito sa Philippine Red Cross (PRC) para bumalik ang serbisyo nito sa publiko.
Sinabi ni Senador Christopher Lawrence Go na kailangan nang bayaran ng PhilHealth ang PRC dahil ang taumbayan ang naiipit sa sigalot sa pagitan ng mga ito.
“Paalala ko lang po: Hindi dapat maapektuhan ang testing capacity natin. Hindi natin gusto na madagdagan pa ang pinapasan ng mga kababayan nating kailangang gumastos para sa COVID-19 testing, katulad ng mga OFWs, returning individuals, medical frontliners at iba pa. Dapat makipagtulungan po ang PhilHealth sa Red Cross, at mabayaran na po ang dapat na mabayaran alinsunod sa kung ano ang naaayon sa batas,” paliwanag ni Go.
Aniya, buhay at kabuhayan ng mga Filipino ang nakasalalay sa PhilHealth at PRC kung kaya’t dapat na tiyaking maisasaayos ang suliranin.
Sinabi pa ni Go na handa itong pumagitna sa PhilHealth at PRC bagama’t nagpulong na sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Red Cross chair at Senador Richard Gordon at PhilHealth president Dante Gierran.
“Nakausap ko po kagabi si Executive Secretary Medialdea, along with Senator Gordon, Atty. Gierran. At kanina rin po nagkaroon ng meeting with PhilHealth. Napagkasunduan na po na babayaran na ang Red Cross. May proseso lang na dapat sundin and this will be subject to government accounting and auditing rules. Services rendered na po ito, kaya talagang dapat lang na mabayaran sila,” pahayag pa ni Go. (NOEL ABUEL)
138 