ITINAAS ng PAGASA ang Storm Signal number 1 sa Isabela at Aurora kasunod nang paglapit ng isang bagyo sa Pilipinas.
Huling namataan ang Bagyong Pepito sa layong 475 kilometers silangan ng Virac, Catanduanes, at tinatahak ang direksyon na pa-kanluran sa bilis na 30 km kada oras habang may hangin na aabot sa 45 kph malapit sa gitna at pagbugso na papalo sa 55 kph.
Inaasahang lalakas pa ang bagyo bago ito mag-landfall sa silangang bahagi ng Northern Luzon-Central Luzon sa Martes ng gabi o Miyerkoles ng madaling araw.
Muli itong babalik sa karagatan sa West Philippine Sea sa Miyerkoles ng umaga at saka muling lalakas bago umalis ng Philippine Area of Responsibility.
Inaasahan naman na magiging maulan sa Quezon, Bicol region, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro, Caraga, Davao Oriental, Davao Occidental, Sultan Kudarat, South Cotabato, at Sarangani. (CATHERINE CUETO)
165 