UMABOT sa P656.35 milyong pondo ng pamahalaan ang ‘nawala’ at ‘ nasayang dulot ng maanomalyang proyektong “Northrail” na inaprubahan noong panahon ni dating Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino Cojuangco III.
Ang proyekto ay patungkol sa tren na manggagaling sa lungsod ng Caloocan patungong Bulacan.
Ang proyektong ito ng North Luzon Railways Corporation (Northrail) ay isa sa sinasabing “big ticket projects” ni Aquino.
Pabibilisin ng naturang proyekto ang byahe ng mga Pilipinong naghahanapbuhay sa National Capital Region (NCR) na nakatira sa Bulacan.
Malaki rin ang papel nito sa komersyo at kalakalan sa pagitan ng mga negosyante ng NCR at ng Bulacan.
Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA) na inilabas nitong nakalipas na linggo, mula sa P505.35 milyong pondong inilaan sa pagbili ng lupa bilang “additional right-of-way” ay P423.46 milyon ang napatunayang mayroong iregularidad.
Nadiskubre rin ng COA auditors na nasayang ang P232.89 milyong pera para sa relokasyon ng mga apektadong residente, o “informal settlers” dahil walang naganap na relokasyon sa Bulacan.
Sa kabuuan, P656.35 milyon lahat ang produkto ng anomalya sa proyekto ng Northrail na nadiskubre ng COA.
Sa dulo, talo na naman ang mamamayang Filipino sa naturang proyekto dahil “public funds” ang P656.35 milyon.
Batay sa rekord, nasa 10,000 pamilya ang inilipat sana sa lupang nabili sa Bulacan makaraang bayaran ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan.
“Northrail spent around P232.89 million for the relocation program in a joint undertaking with the Provincial Government of Bulacan (PGB) and Alto Project Asia Inc. (APAI) without actual relocation undertaken,” paliwanag sa ulat ng COA.
Ayon sa COA, P10 milyon ang naibayad sa PGB para sa 50 ektaryang lupain sa Norzagaray, Bulacan.
Kaso, “While the PGB committed to complete the relocation on June 30, 2011, there was no actual relocation undertaken by PGB,” tumbok ng COA.
Sa nasabing petsa ay umabot na sa P232.89 milyon ang nagastos ng Northrail para sa “purported relocation program without relocating a single family,” patuloy ng COA.
Binanggit din sa parehong ulat ng COA na ang paglilipatang lugar ng mga pinakamahihirap na pamilya ay “vulnerable to natural hazards, hence, not considered appropriate as residential area” batay sa pag-aaral ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), ahensiyang pinangangasiwaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ang Northrail ay “pre-operating subsidiary” ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ngunit isa ito sa mga ahensiya ng Department of Transportation (DOTr). (NELSON S. BADILLA)
249