KINASTIGO sa mababang kapulungan ng Kongreso ang Philippine National Red Cross (PNRC) na pinamumunuan ni Sen. Richard “Dick” Gordon dahil sa pamba-blackmail umano ng mga ito sa gobyerno.
Ginawa ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pahayag matapos magbanta ang PNRC na ititigil nito ang pagte-test sa COVID-19 kapag hindi binayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang utang nito na mahigit P1 billion.
“I seriously counsel the management of the Philippine National Red Cross to stop blackmailing the government. Please remember that every centavo in the coffers of the government comes from every Filipino taxpayer. It is very lamentable that due to the government’s alleged failure to pay its obligation on time, it has been accused of a lot of things,” ani Barbers.
Ayon sa mambabatas, kailangang maberipika muna ang claims ng PNRC bago ito bayaran tulad ng ginagawa ng ibang grupo na mayroong sinisingil sa PhilHealth kaya made-delay ito.
Kung hindi aniya mag-iingat ang gobyerno sa pagbabayad ng claims ay walang ibang maaapektuhan kundi ang mamamayan lalo na ang mga miyembro ng PhilHealth.
“Also, it has to review the legality of the agreement made by and between PNRC and PhilHealth. But this should not be taken against the government and blackmail it by stopping a supposedly public and noble duty of the Red Cross, Philippine or International,” dagdag pa ni Barbers.
Sinabi pa ng mambabatas na walang karapatan ang PNRC na mag-demand ng kabayaran dahil wala umanong ‘valid contract” ang mga ito sa PhilHealth para magsagawa ng mass testing.
Ilegal din umano ang P100 million na advance payment ng PhilHealth sa PNRC dahil sa pagpapatupad umano sa Bayanihan 1 kaya walang karapatan ang mga ito na gipitin ang gobyerno.
Sinabi pa ng mambabatas na kung atraso o utang din lang ang pag-uusapan ay hindi nagpapahuli ang PNRC dahil matagal na umano itong hindi nagbabayad sa University of the Philippines (UP) sa paggamit ng pasilidad ng nasabing eskuwelahan sa matagal na panahon. (BERNARD TAGUINOD)
103