BILANG tugon sa panawagan ng Kongreso na maghanap ng karagdagang pondo upang maiangat ang kalidad ng public healthcare sa bansa, naghain ang ilang kongresista kamakailan ng panukalang gamitin ang bahagi ng Malampaya funds para sa pondong pangkalusugan.
Inihain nina Reps. Eric Pineda, Mikee Romero at Virgilio Lacson, na mga miyembro rin ng House health committee, ang House Bill (HB) No. 7800, na nirerekomenda ang pag-amyenda ng Presidential Decree (PD) No. 910 upang payagan ang Kongreso na ilaan ang bahagi ng Malampaya funds at ng iba pang oil exploration projects para sa upgrading ng healthcare system sa bansa, lalo sa panahong ito ng pandemya.
Sa ilalim ng 10-point socioeconomic agenda ng pamahalaang Duterte, ang PPP (public-private partnerships) ay isang mahalagang paraan upang mapabilis ang infrastructure development.
Binanggit sa HB 7800 bilang halimbawa ang Malampaya na maaaring pagkunan ng pondo para sa pagpapalakas ng public health care system. Ang Malampaya ay isa sa mga maituturing na matagumpay na PPP project sa bansa.
Ayon kay 1Pacman party-list Rep. Pineda, chairman din ng House committee on labor and employment: “Napakayaman ng Pilipinas sa natural resources. Sa katunayan, tayo ang may pinakamalaking supply ng natural gas sa mundo. Nariyan ang Ligwasan Marsh sa Mindanao, at marami rin tayong natural gas sa Sulu.”
“Kaya napakahalaga ng mga proyekto tulad ng Malampaya, habang natigil ang ibang developments dahil sa pandemya,” dagdag ni Pineda. “Kailangan muna nating sagipin ang ating mga kababayan at magtayo ng sapat na healthcare facilities para sa mga nagkasakit [ng COVID-19]. Makakatulong dito ang paghanap ng iba pang sources ng natural gas.”
Sa kasalukuyan, hanggang 30 porsiyento ng energy requirements ng buong Luzon ang galing sa Malampaya. Marami ring ibang tulong ang proyektong ito sa bansa, tulad ng pagpapababa ng oil imports, paghatid ng walang patid na supply ng malinis na kuryente, at pag-akyat ng pondo mula $800 milyon hanggang $1.1 bilyon bawat taon.
Ang license to operate ng Malampaya ay hanggang 2023 na lamang. Ayon kay Pineda, “Mayroon pa tayong hindi nakukuha na P23 milyong pondo galing sa Malampaya.
Kailangan nating amiyendahan agad ang PD 910 dahil may dalawang taon na lang tayo upang magamit ang Malampaya fund.”
Naging lalong mahalaga ang pagkalap ng pondo para sa health budget ng bansa dahil sa mga hamong kinakaharap nito.
“Dahil sa pandemya, naging malinaw na wala tayong dapat sayanging oras upang ayusin ang ating public health infrastructure,” ani 1Pacman party-list Rep. Mikee Romero.
“Sa kasalukuyan, ang utang ng gobyerno dahil sa COVID-19 ay halos P9 trilyon na noong Hunyo. Mas mahihirapang bumangon ang ekonomiya kung lagi tayong aasa sa pangungutang.”
Dagdag pa niya: “Ang PD 910 ay ginawa upang magamit ang energy exploration at development para sa kapakanan ng bansa. Iyan mismo ang kailangan natin sa panahong ito ng pandemya, at isa ring solusyong pangmatagalan.”
Kasunod ng tagumpay ng Malampaya sa kanilang proyekto, iginiit ng Kongreso na kailangang dagdagan pa ito ng iba pang exploration projects.
Ani Manila Teachers party-list Rep. Lacson, na chairman din ng House committee on micro, small, and medium enterprise development, “Patuloy ang exploration ng Philippine National Oil Company (PNOC) sa West Philippine Sea. Ito ay katunayan na may sapat tayong oil resources na magagamit, hindi lamang para sa ating power needs, kundi upang pondohan ang kinabukasan ng bansa.”
Ayon sa World Health Organization, malamang na magpapatuloy ang kasalukuyang global health crisis sa mga darating na taon. Dahil dito, kailangan ng mga bansa na palakasin pa ang kanilang sistema ng healthcare upang matugunan ang krisis ng COVID-19 nang matagalan.
Para sa Pilipinas, ang sariling oil at natural gas resources nito ay ang maaring susi upang magampanan ito.
“Ang teknolohiya sa exploration ay gumanda na sa mga nakaraang taon,” ani Lacson. “Maaring pahabain pa ang Malampaya, depende sa desisyon ng Department of Energy (DOE).”
“Nasa DOE na rin ang pagsuporta ng karagdagang exploration efforts,” dagdag niya. “Magiging malaking tulong ito sa ating laban sa pandemya at sa pagbuo ng magandang healthcare system.”
