INUTIL ANG OMBUDSMAN, PACC

TULUNGAN po ninyo akong sagutan ang katanungang ito: “Ang pag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang buong pamahalaan ay nangangahulugan bang inutil ang Office of the Ombudsman at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC)?”

Alam naman nating lahat na ang trabaho, tungkulin at obligasyon ng Office of the Ombudsman ay mag-imbestiga ng mga opisyal ng pamahaaan hinggil sa katiwalian, korapsyon at pandarambong.

Kahit nga senador at kongresista ay puwede nitong imbestigahan kung gugustuhin nito.

Itinatag ang Office of the Ombudsman noong 1988.

Si Samuel Martires ang kasalukuyang pinuno ng nasabing tanggapan nang italaga siya ni Duterte noong Hulyo 26, 2018 makaraang magretiro siya sa Korte Suprema.

Mukhang hindi kontento si Duterte sa Office of the Ombudsman dahil noong Oktubre 4, 2017 kung saan si Conchita Carpio – Morales pa ang ombudsman sa panahong ito ay binuo ng pangulo ang PACC.

Si Dante Jimenez ang inilagay na pinuno ng PACC.

Ngunit, kahit mayroong PACC na “sobrang lawak” ang kapangyarihan laban sa mga tiwali, korap at mandarambong na mga opisyal ng pamahalaan ay inatasan pa ni Duterte si Justice Secretary

Menardo Guevarra na magsagawa ng imbestigasyon sa buong gobyerno.

Syempre, ang tinutukoy ni Duterte ay ang mga ahensiyang ­bahagi lamang ng ehekutibong ­sangay ng pamahalaan.

Ang konteksto ng direktiba kay Guevarra ay ang malaganap na korapsyon sa Department of Public Works and Highway (DPWH).

Idiniin ni Duterte na walang natatapos na proyekto ang DPWH na walang nagkakapera sa mga kasama sa proyekto ng nasabing kagawaran.

Kahit ang lokal na pamahalaan hanggang pamahalaang barangay ay nagkakapera sa mga proyekto ng DPWH, bulalas ni Duterte.

Habang kinumpirma at idiin ni Duterte ang korapsyong matagal nang nagaganap sa DPWH, sinalo at inabsuwelto ni ng pangulo si DPWH Secretary Mark Villar.

Sekretaryo na ng DPWH si Villar noong bagong pangulo pa si Duterte.

Hindi nagbigay ng pangalan ang pangulo, kaya lahat ng tao sa DPWH ay suspek sa korapsyon – mapuwera kay Villar.

Pokaragat na ‘yan!

Nakakahiya ang DPWH dahil sa korapsyon, ngunit hindi nagbitiw si Villar.

Sa halip, nagtayo si Villar ng Task Force Against Graft and Corruption (TAG) upang imbestigahan ang korapsyon sa DPWH.

Ngunit, nakasaad sa utos ni Villar na ang iimbestigahan ng TAG ay batay sa reklamong ihahain dito.

Ang resulta ng imbestigasyon ng TAG ay ipapasa sa tanggapan ni Villar bago maging pinal.

Sa karagdagang trabaho ng DOJ, ipinauuna ni Duterte ang DPWH at ang Department of Agriculture (DA).

Ang tumatayong sekretaryo ng DA ay si Dr. William Dar.

Wala akong ideya kung bakit biglang nasingit ang DA sa ipinauuna ni Duterte kay Guevarra.

Marahil, dahil sa mga nababalitaan niyang korapsyon sa DA kung saan pinagkakakitaan ang perang dapat pakinabangan ng mga magsasaka, manggagawang-bukid, mangingisda at iba pa.

Simula nang mapalitan ni Martires si Morales bilang ombudsman at simula nang magkaroon ng PACC ay walang lumabas sa media na inimbestigahan at kinasuhan ang dalawang ahensiyang ito na mga opisyal at kawani ng DPWH at DA.

Palagay ko mayroong nagbulong kay Duterte na paimbestigahan sa DOJ ang DPWH, DA at iba pang kagawaran at ahensiya ng ehekutibo na notoryus pagdating sa katiwalian, korapsyon at pandarambong.

Pokaragat na ‘yan!

Puwede namang ipayo kay Duterte na lantarang ipahiya ang kapalpakan ng Office of the Ombudsman at PACC kung talagang inutil ang dalawang ito, pero hindi pa ginawa.

Sa pagkakaalam ko, si Duterte lamang ang naging pangulo ng bansa na lantarang namamahiya ng palpak na opisyal ng pamahalaan.

Siya lamang ang tanging ­pangulo na hayagang bumibira sa mga palpak na opisyal ng kanyang administrasyon.

Hindi ba’t ilang ulit na binatikos ni Duterte noon si Ombudsman Morales?

Hindi ba’t binira rin niya nang ilang ulit si Bise Presidente Maria ­Leonor Rebredo sa mga pamumuna ng huli sa pangulo?

Ngayon, ano ang dahilan kung bakit hindi inupakan nang inupakan ni Duterte ang Office of the Ombudsman at PACC, o sa eksakto ay sina Martires at Jimenez, kung inutil ang mga ito sa kanilang trabaho, tungkulin at obligasyon laban sa katiwalian, korapsyon at pandarambong ng mga opisyal ng pamahalaan?

Paki-tawagan nga po ako upang malaman ang mga kasagutan.

Paki-sabi rin sa akin kung inutil ba, o hindi, ang Office of the Ombudsman at PACC.

159

Related posts

Leave a Comment