SMBeermen sumisipa pa

MULING ipinakita ng San Miguel Beermen na sila pa rin ang kampeon ng PBA ­Philippine Cup.

Ang mga bata ni Coach Leo Austria, na sa akala ng ­marami ay wala nang pag-asang ­maidepensa ang korona makaraang matalo ng dalawang sunod sa Rain or Shine, 83-87, at sa wala pang talong Talk ‘N Text, 88-107, sa simula ng kanilang kampanya sa bubble, ay nagwagi sa Meralco Bolts, 89-82, noong Martes.

Ito ang pang-apat na panalo ng Beermen para sila makatalon mula sa halos ilalim ng ­standing ng 12-koponang torneo at makatabla sa pangatlong puwesto.

Mula sa 1 panalo at dalawang talong kartada sa simula ng araw, ang kampeon sa pinaka-prestihiyosong torneo ng kauna-unahang play-for-pay na liga sa bansa ay umabante sa 4-2 para tablahan ang kapatid na Ginebra San Miguel at Phoenix Super LPG.

Tangka ng Beermen na palawigin pa sa anim na taon ang kanilang paghahari sa PH Cup na tinatawag ding All-Filipino, at mas lalaki ang tsansa nila kung malalampasan ang Gin Kings ngayong gabi sa Angeles University Sports and Cultural Center sa tinaguriang ‘Lungsod ng Pagkakasala’ sa Pampanga.

Tabla ngayon ang SMB at Gin Kings, na hangad namang putulin ang kanilang nakahihiyang dalawang sunod na pagkatalo sa kamay ng kapatid na Magnolia Hotshots Pamabansang Manok at Rain or Shine Elasto Painters.

“We’re facing another tough game tomorrow against Ginebra na sinisiguro kong gagawin lahat para makabawi sa dalawang sunod na talo nila,” ani Austria sa pakikipag-usap sa telepono sa kolumnistang ito.

“But again, tiwala ako sa mga manlalaro namin na malulusutan ang pagsubok na ito,” dagdag ni Austria, na kumatha ng limang sunod na matagumpay na pagtatanggol sa korona ng Beermen mula noong 2014.

“As in the past, yung mga beterano ang inasahan ng team para makabangon from this situation. I just hope na hindi na mabago yun. Especially now na nagma-mature na ang mga bago,” anang ipinagmamalaking coach ng Sariayaya, Quezon.

Ang 39-anyos na si Arwind Santos, pinakamatandang Beermen, ang nangunguna sa kampanya ng SMB mula nang magbukas ang PH Cup noong Marso 8, bago ideklara ang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.

Ang dating MVP ng liga ay nakapagtala ng impresibong limang double-double sa anim na laro ng Beermen, record na siya lamang ang nakagawa sa kasalukuyang torneo at ­malaking tulong ngayong wala ang ­inaasahang sentro ng team na si June Mar Fajardo, at ­maging si Terence Romeo na kapwa may injury.

Sa isang laro lamang ng SMB laban sa ROS hindi naka-double-double ang ipinagmamalaking anak ng Lubao Pampaga.

Ngunit sa laban sa Meralco Bolts ay nakapagtala si Santos ng 17 puntos, 11 rebounds, tatlong assist at nakabutata ng shot ng kalaban.

Ang huling three-point shot ng dating Far Eastern University star player sa payoff period ay nagbukas sa isang 21-4 run ng Beermen at nagbura sa 60-69 kalamangan ng Meralco tungo sa 81-73 bentahe sa huling 5:10 minuto ng laro. At katuwang sina Mo Tautuaa, Alex Cabagnot at Chris Ross ay tuluyang nanalo ang Beermen, na nilimitahan ang Bolts sa 13 puntos lamang sa fourth quarter matapos ­kumamada ng 29 puntos sa third.

166

Related posts

Leave a Comment