LAGUNA – Hindi nagpahuli nang buhay ang isang jail officer at lider umano ng drug syndicate nang manlaban ito sa buy-bust operation ng pulisya kahapon ng alas-10 ng umaga sa siyudad ng Calamba.
Sa ulat kay Calabarzon Regional Director Pol. Brig. Gen. Vicente Danao Jr., agad napatay ang suspek na si JO3 Joseph Rey Villegas, 49-anyos, at residente ng Brgy. Bunggo, Calamba City.
Natunugan umano ng suspek na mga awtoridad ang kanyang katransaksyon kaya tinangka nitong tumakas ngunit nang masukol ay lumaban hanggang tamaan siya ng bala mula sa mga awtoridad.
Ang operasyon ay ikinasa ng RID–RSOU 4-A, 1st LPMFC at Calamba CPS.
Si Villegas ay aktibong miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng San Pablo City at siya rin umanong tumatayong lider ng Villegas drug group na nagsu-supply ng droga sa District 2 ng lalawigan ng Laguna.
Kabilang din ang suspek sa listahan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte bilang isang High Value Individual (HVI) sa provincial level.
Ayon kay Gen. Danao, ang pagkamatay ni Villegas ay malaking kabawasan sa kalakaran ng droga sa lalawigan. (CYRILL QUILO)
145 