PINASALAMATAN ng Malakanyang ang mga Pilipino para sa pagkilala sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na panatilihin ang kapayaan at kaayusan sa bansa.
Welcome kay Presidential spokesperson Harry Roque Jr. ang naging resulta ng lumabas na Gallup 2020 global law and order report ng analytics at advisory firm sa Amerika na nagpapakita na ang Pilipinas ang pinakaligtas na bansa sa buong mundo.
Sa report, nakakuha ang Pilipinas ng score na 84 out of 100 gaya ng New Zealand, Serbia, Poland, at Australia.
Inalam sa survey ang pakiramdam ng mga tao sa kanilang personal security at karanasan sa crime at law enforcement kung saan maraming nagsabing nasiyahan sila sa performance ng law enforcement agencies.
“Kahit papaano po kinilala po nila ‘yung prayoridad ng ating pangulo na panatilihin talaga ang peace and order sa ating lipunan,” ayon kay Sec. Roque.
“Maraming maraming salamat po at ito pong kumpyansa na binigay ninyo sa pamamagitan ng survey na ito ay patunay na patuloy po tayong nagsusulong na maibalik po talaga ang peace and order sa ating komunidad,” dagdag na pahayag nito.
Nauna rito, dahil umano sa kampanya ng administrasyon laban sa droga, krimen at katiwalian kaya napasama ang Pilipinas sa top 40 nations na itinuturing na pinakaligtas dahil mahusay ang pulisya at law enforcement agencies.
Dahil dito, tiniyak ni Senador Bong Go na paghuhusayin pa ang kampanya laban sa krimen at katiwalian kaya mas mararamdaman ng publiko na mas ligtas ang mga komunidad at nasusunod ang mga batas.
Pero sa kabila ng mataas na score, sinabi ni Go na di dapat magpakampante ang militar at pulisya at lahat ng law enforcement.
Aniya, direktiba pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglaban sa kriminalidad na sasabayan ng paglikha ng mga batas na masuportahan ang mga kampanyang ito.
Tinukoy ni Go ang death penalty para sa mga sangkot sa illegal drug trade at plunder at panukalang legal assistance sa mga makakasuhan sa pagganap sa kanilang tungkulin. (CHRISTIAN DALE)
166 