BAHAGYANG sumipa ang inflation sa bansa o ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo nitong nakalipas na buwan ng Oktubre, base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, bumilis o umakyat sa 2.5 percent ang naitalang inflation sa nakalipas na buwan, mas mabilis kumpara sa 2.3 percent noong Setyembre.
Sa ginanap na virtual press briefing, ipinaliwanag ni PSA Undersecretary and national statistician Dennis Mapa na malaking ambag sa pagbilis ng inflation ang patuloy na pagtaas ng presyo ng food and non-alcoholic beverages.
Paliwanag ng PSA, contributory sa mataas na inflation ang pagtaas ng presyo ng pagkain, partikular ang karne, isda at gulay.
Tumaas din ang singil sa barber shop services ng 7.6% noong October, gayundin ang education costs para sa private schools.
Nakapagtala rin ng pagtaas sa pamasahe partikular sa tricycle at jeep na may 7.9 percent inflation o katumbas ng 26.2 percent share sa overall inflation para sa buwan ng Oktubre na nagpasikad sa presyo ng mga bilihin.
Sa larangan ng merkado, sinasabing umakyat sa P260 per kilo ang presyo ng baboy sa Metro Manila nitong October mula sa P202 nuong nakalipas na taon.
“The source of increase in prices is basically Luzon, particularly provinces that are near the NCR,” ani Mapa. (JESSE KABEL)
217 