HINDI magdadalawang-isip si Pangulong Rodrigo Duterte na pangalanan ang lahat ng opisyal ng pamahalaan na sangkot sa kurapsyon at anomalya.
Ito ang tiniyak ni Senador Christopher Bong Go kasabay ng pagsasabing kilala naman ng lahat na hindi nagpapaawat ang pangulo na tukuyin ang laban nito sa illegal drugs, kriminalidad at kurapsyon.
“Alam ninyo, tuluy-tuloy po ‘yan, papangalanan ni pangulo sa buwan na ito at sa susunod na buwan, tuwing may makakasuhan at masususpinde ang Ombudsman. Papangalanan niya po ito sa publiko para malaman po ng mga Pilipino kung sino ‘yung may mga kaso,” sabi ng mambabatas.
Kasabay nito, nagbabala si Go sa mga government official na pagbutihin ang serbisyo publiko upang hindi masama sa papangalanan ni Pangulong Duterte.
“Ngayon, kung ayaw ninyong pangalanan kayo, e ‘di wag kayong pumasok sa kurapsyon dahil tuluy-tuloy po ang kampanya namin ni Pangulo laban sa kurapsyon,” ayon pa kay Go.
Sinabi pa ng senador na kakausapin ni Duterte ang mga sinuspindeng opisyales ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa kurapsyon.
“Alam ninyo, mas marami pong matitinong mga Pilipino na gustong magtrabaho at maglingkod para sa ating bayan. ‘Yun po ang totoo kaya madaling maghanap ng matitinong tao na gustong maglingkod sa kapwa Pilipino,” giit ni Go.
Bukod aniya sa BI, kasama rin sa mga tinukoy ng pangulo na talamak ang kurapsyon ang Bureau of Customs (BoC), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). (NOEL ABUEL)
224 