NASA kustodiya na ng Cavite Police ang driver ng napatay na nagpakilalang miyembro ng Philippine Navy sa nangyaring armed encounter sa nasabing lalawigan na ikinamatay rin ng isang miyembro ng Cavite Provincial Highway Patrol Group (HPG), matapos sumuko sa Camp Crame sa Quezon City.
Dakong alas-8:52 ng gabi noong Linggo nang pormal na i-turn over ng Task Force Limbas, Special Operation Division-HPG, Camp Crame, Quezon City, ang suspek na si Raymund de Leon, 34, Tubong Bugallion, Pangasinan, sa Cavite Police.
Si De Leon ay itinuro ng misis ng suspek na si Methusael Cebrian na si Navy Lt. Senior Grade Janice Cebrian, na siyang driver ng sasakyan ng mahigit dalawang taon.
Ayon sa kanyang kuwento, galing sila sa loob ng Sangley Point at palabas ng Cavite City para bumili ng cake dahil birthday ng panganay na anak ni Cebrian.
Paglagpas sa checkpoint ay nag-overtake sila sa nakasabayang mobile ng Cavite HPG.
Ngunit sinita ng Cavite HPG ang minamanehong gray na Nissan Terra ni De Leon dahil walang plate number at sticker, na nagresulta sa palitan ng putok, Sinabi pa ni De Leon, nang tumigil siya at binuksan ang bintana ng sasakyan at hinanapan ng dokumento, ibibigay sana niya ang kanyang lisensiya pero pinigilan siya ng among si Methusael.
Nakaramdam umano siya ng nerbyos nang isuot ng kanyang amo ang tactical belt saka kinuha ang baril at ikinasa, nagsuot ng bonnet at pagkaraan ay nakarinig siya ng putok ng baril.
Bunsod ng takot, mabilis niyang pinasibad ang SUV.
Iniwan umano niya ang nasabing sasakyan sa isang subdibisyon bago bumalik sa bahay ng kanyang amo.
Ikinuwento rin ng driver na may mga pagkakataon kapag ipinagmamaneho niya si Methusael ay napansin niya ang pagkamainitan ng ulo nito.
Matatandaan, dakong ala-1:00 noong Biyernes ng hapon nang mangyari ang enkuwnetro sa pagitan ng HPG at ni Metusael na nagpakilalang miembro ng Navy, sa Manila-Cavite Road, Brgy. 8, Dalahican, Cavite na nagresulta sa pagkamatay ni P/CMSgt. Julius Arcalas, at ng suspek na si Methusael at ang sibilyan na si Eduardo Magaba. (SIGFRED ADSUARA)
358
