LABAN SA “KAFALA” TUNGO SA BAGONG PAG-ASA NG OFWs

MALINAW ang pag-asang nararamdaman at nakikita ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa Gitnang Silangan dahil nagdesisyon ang pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia na sa Marso 2021, ay higit nitong paluluwagin ang kanilang “kafala system”, o “sponsorship system”.

Sa ilalim ng kafala, hindi ­basta-basta makakaalis, o makalilipat, ang mga empleyado nang walang pahintulot ng kanilang mga amo.

Dahil sa bagong “Labor Relation Initiative” sa Saudi Arabia, mas magkakaroon na kalayaan, o job mobility, ang mga naghahanap-buhay sa Saudi, kabilang ang overseas Filipino workers (OFWs).

Mayroong 865,121 mga Filipino na naghahanap-buhay sa Saudi Arabia batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung saan nakatikim ng hambalos ng kafala.

Ang nasabing sistema ay siyang “ugat” ng maraming kaso ng pang-aabuso at pag-mamaltrato sa maraming OFWs, partikular sa mga “domestic helper”.

Kailangang malaman din natin kung anu-ano ang mga aksyon ng ating pamahalaan hinggil sa pagrereporma sa kafala nang mapagaan ang kalunus-lunos na kalagayan ng ating mga kababayan sa Saudi Arabia.

Katulad ng idineklara ni Pangulong Rorigo Duterte noong 2018 na ang mga Filipino ay hindi dapat ­ituring na alipin ninuman at saan mang bahagi ng mundo.

Sinabi ito ni Duterte pagkatapos matuklasan ang bangkay ni OFW Joanna Demafelis sa Kuwait na nakadanas ng matinding pang-aabuso sa kamay ng kanyang mga amo.

Naging dahilan din ito ng panandaliang paghinto ng pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait at paglulunsad ng malawakang repatriation ng mga OFW sa Kuwait na gustong umuwi sa Pilipinas.

Naganap ito noong si Representative Alan Peter Cayetano ang pinuno ng DFA.

Hindi makakaila ang markang iniwan niya sa DFA na nag-iwan ng magandang resulta.

Tumindig ang gobyerno ng Pilipinas para mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kawawang Pilipina sa kamay ng kanyang mapagsamantala at malupit na mga amo at sinimulan ang matinding kampanya para sa mas maayos at patas na pagtrato sa mga ­migranteng mangggawa.

Noong panahong iyon ay kasagsagan din ng negosasyon ng Pilipinas para mabuo ang Global Compact of Migration, na kauna-unahang United Nations Global Agreement na tutugon sa iba’t ibang pangangailangan at karapatan ng mga migrante sa buong mundo.

Malinaw ang direktiba ni Duterte sa noo’y DFA Secretary Cayetano na huwag pabayaan ang OFWs na nasa gitna ng panganib.

Idiniin din noon ni Duterte kay Cayetano na itaguyod ang karapatan at kaligtasan ng OFWs.

Naging kontrobersyal ang mga kumalat na video na nagpapakita ng “rescue operations” ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait.

Sa kanilang pagliligtas sa mga kasambahay na inaabuso, hindi ikinatuwa ng gobyerno ng Kuwait ang ganitong mga gawain dahil tila paglabag sa kanilang soberenya.

Noong kasagsagan ng isyu tungkol sa pag-kamatay ni Demafelis at paglabas ng kontrobersyal na video ng rescue operation, hindi natinag si Cayetano.

Maraming bumatikos sa DFA at mga opisyal ng embahada noong panahong iyon, ngunit mas nanaig sa kanila ang kagustuhang maisalba ang mga na-aapi at nanganganib na mga OFW.

Kilala si Cayetano sa kanyang panindigan at pakikipaglaban sa mga naaapi.

Madalas niyang sinasabi na “kapag may mali at may inaapi, labanan at kapag tama, dapat ipaglaban”.

Hindi naman binigo ni Cayetano si Duterte dahil pagkatapos lamang ng tatlong buwan nang maiuwi ang bangkay ni Demafelis sa Pilipinas ay napirmahan na ang bagong “Agreement on the

Employment of Domestic Workers” sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas.

Itinuring ng DFA na matamis na tagumpay para sa Pilipinas na malaman na sunud-sunod na ang pagluluwag ng kafala systema sa maraming bansa sa Gitnang ­Silangan, kabilang ang Saudi Arabia.

Sa liderato ni Cayetano, nagsimula ang pagsusulong ng DFA ng mga mahahalagang probisyon laban sa “kafala system” sa isang International Agreement na tinawag ng Global Compact for Migration o GCM.

Para kay Cayetano, ang laban sa pang-aabuso at pananamantala sa mga OFW ay hindi maaaring masolusyunan ng Pilipinas bilang isang bansa lamang kaya’t kailangan magkaroon ng katuwang ng ibang bansa upang mas maging pangmatagalan ang solusyon.

Sa 73rd United Nations Assembly sa New York noong 2018, sinabi ni Cayetano na ang isyu ng migration ay dapat magkaroon ng “open, frank at thorough” para makapaglatag ng mas kumprehensibong intergovernmental negotiated compact na magtitiyak sa proteksyon ng mga migranteng manggagawa laban sa ekploytasyon at pang-aabuso.

Dahil sa tiyaga at pursigidong trabaho, noong December 2018, inaprubahan ng 152 na bansa ang Global Compact of Migration kabilang ang mga bansa sa Gitnang Silangan.

Limang bansa na lamang ang hindi lumagda sa kasunduan, kabilang ang United States of America, Hungary, Poland, Czech Republic at Israel.

Labing-dalawang bansa naman ang nag-abstain sa botohan, kabilang ang Australia, Austria, Bulgaria, Chile, Italy, Latvia, Libya, Liechtensei, Romania, Singapore at Switzerland.

Malaki ang ating tiwala sa pamumuno ni Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin na itutuloy niya ang l­aban para sa mas ligtas at mas kumportableng buhay ng mga OFW.

Tuloy lang ang laban sa kafala, o anumang sistema, na nagpapahirap sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.

197

Related posts

Leave a Comment