PROTEKSYON NG MGA BATANG APEKTADO NG BAGYO PINASISIGURO

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan na siguruhin ang kaligtasan ng mga batang apektado ng mga bagyo, lalo na’t patuloy ang banta ng COVID-19 sa kanilang kalusugan.

Ayon sa United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (UN OCHA), mahigit pitong daang libong (724,000) mga bata ang apektado sa mga lugar na tinamaan ng nagdaang super typhoon Rolly. Babala rin ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), karamihan sa mga apektadong bata, kabilang ang kanilang mga pamilya, ay mas nanganganib na mahawa ng COVID-19 dahil siksikan sa mga evacuation center.

Ayon sa mambabatas, mahalagang maipatupad ang Comprehensive Emergency Program for Children (CEPC) na nabuo sa ilalim ng Republic Act No. 10821 o ang Children’s Emergency Relief and Protection Act. Sa ilalim ng batas, ang CEPC ang magsisilbing gabay sa pagtaguyod sa pangangailangan ng mga kabataan sa gitna ng mga sakuna.

Sa ilalim din ng naturang batas, mandato sa mga lokal na pamahalaan na gawing bahagi ang CEPC sa kanilang mga plano at budget sa Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRM).

Ilan sa mga aspeto ng CEPC ang pagkakaroon ng child-friendly spaces sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity. Bahagi rin ng programa ang pakikipag-ugnayan ng Department of Health (DOH) sa DSWD, mga lokal na pamahalaan, at civil society organizations upang tugunan ang mga pangangailangang pang-kalusugan ng mga kabataan, kabilang ang psychosocial interventions.

Dahil layon ng CEPC ang agarang paghatid ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, gamot, sanitary at hygiene kits, binigyang-diin ng senador na dapat mamamahagi rin ng face masks, alcohol, at sanitizers sa mga bata at kanilang mga pamilya.

“Patuloy nating dapat tutukan ang pangangailangan at kaligtasan ng ating mga kabataan, lalo na iyong mga nawalan ng tahanan dahil sa hagupit ng magkakasunod na bagyo. Ngayong bumabangon tayo mula sa pinsalang dulot ng nagdaang mga kalamidad, nananatili rin ang ating tungkuling protektahan ang ating mga kababayan, kabilang ang ating mga kabataan, mula sa panganib ng COVID-19,” ani Gatchalian na Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Muli ring nanindigan si Gatchalian na kailangan ng bawat lungsod at munisipalidad ng permanenteng evacuation centers. Ito ay upang maiwasan ang paggamit sa mga classroom at ang patuloy na pagkaantala sa pagbabalik ng mga mag-aaral sa klase.

Inihain ni Gatchalian noong nakaraang taon ang Senate Bill No. 747 na layong magpatayo ng mga permanent evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. (ESTONG REYES)

457

Related posts

Leave a Comment