“#NasaanAngPangulo”, galawang ‘Team Leni’ at kaliwa? PASAKALYE SA 2022 POLLS

NELSON S. BADILLA

NAGSIMULA nang umatake ang Liberal Party (LP) o dilawang puwersa, bilang bahagi ng operasyon nito laban sa mga kandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa eleksyong 2022.

Sa pamamagitan ng “#NasaanAngPangulo”, nakitang ito ang layunin ng LP, partikular ang “Team Leni” ni Bise Presidente Maria Leonor Robredo, sa pinakahuling magkakasunod na banat laban kay Duterte sa panahon ng pananalasa ng mga bagyong “Rolly” at “Ulysses”.

Maging ang ilang kaliwang organisasyon ay ipinakalat sa social media ang #NasaanAngPangulo.

Biglang sumulpot ang #NasaanAngPangulo habang rumaragasa ang bangyong Rolly sa maraming bahagi ng Luzon, partikular sa rehiyong Bicol, nang hindi maglabas ng media briefing si Duterte.

Wala ring naibalita si Presidential Spokesman Harry Roque Jr. na nag-ikot si Duterte sa pamamagitan ng aerial viewing.

Ang sabi ni Roque ay nagmo-monitor si Duterte sa pangyayari.

Biglang natigil ang pagkalat ng #NasaanAngPangulo nang nagtungo si Duterte sa Bicol.

Matatandaang inilabas ng SAKSI Ngayon noong isang buwan ang planong pagsasanib-puwersa ng LP at Communist Party of the Philippines/New People’s Army (CPP/NPA) para sa halalang 2022.

Ibinunyag ng isang Noel Legaspi, alyas Ka Efren, sa press conference na inilunsad ni Undersecretary Lorraine Badoy ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at ng National

Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ang posibilidad na pagkakaisa at pagtutulungan ng LP at CPP/NPA ay magaganap umano sa pulong na isasagawa ng dalawang pangkat.

Si Robredo ang kasalukuyang chairperson ng LP.

Napabalitang ‘interesado’ si Robredo na tumakbong pangulo sa eleksyong 2022 bilang pambato ng LP.

Si Senador Franklin Drilon na opisyal din ng LP ay napabalitang magiging bise presidente ni Robredo.

Batay sa impormasyon ng NTF – ELCAC, si Legaspi ay dating kadre ng CPP na tumiwalag sa samahan dahil nadismaya umano ito sa mga ginagawa ng CPP at ng armadong yunit nitong NPA laban sa pamahalaan at mamamayang Pilipino.

Ibinunyag din ni Legaspi na ang planong pasasanib-puwersa ng CPP/NPA at LP bilang paghahanda sa eleksyong 2022 ay siguradong pakikilusin ng teroristang grupo ang mga party -list organization na bahagi ng Makabayan Bloc upang magkaroon ng makinarya ang LP.

Ito ay ang Bayan Muna, Gabriela Women’s Party, Kabataaan, ACT Teachers, Anakpawis at iba pang party-list na inuugnay sa makakaliwang grupo.

Muling lumabas sa social media ang #NasaanAngPangulo nang humagupit ang bagyong “Ulysses”.

Si Duterte ay nasa kalagitnaan ng virtual summit ng mga lider ng iba’t ibang bansa sa Southeast Asia nang lumabas ang nasabing hashtag.

Mistulang dinagukan si Duterte dahil trending sa Twitter ang #NasaanAngPangulo, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Ginamit ding balita ng ilang pahayagan at online news platforms ang #NasaanAngPangulo.

Kapansin-pansin na habang nakapaskil ang naturang hastag sa social media, madalas namang lumalabas sa mainstream at social media ang impormasyong galing sa Office of the Vice President (OVP) at ilang maka-Leni netizens na namimigay ng ayuda si Robredo sa mga biktima ng dalawang bagyo.

Bukod sa pamamahagi ng ayuda, mayroong mga litratong lumalabas na si Robredo ay siya mismong naglalagay ng mga itutulong sa mga biktima ng bagyo, bagay na hindi ginagawa ng pangulo.

Ang nasabing anggulo ng litrato ni Robredo ay maituturing na ‘propaganda material’ ng isang politikong mayroong planong tumakbo sa eleksyong 2022.

Bukod sa litrato, mayroon pang video ni Robredo na ayaw magpakilalang siya ang bise presidente ng bansa sapagkat ang mahalaga raw ay kumikilos siya para sa mga nasalanta ng bagyo.

Ang punto at layunin ng mga press statement at video ni Robredo ay palabasing masipag at hindi nagdalawang-isip na tumulong sa mga kawawang Pilipino ang kasalukuyang bise president ng bansa.

Kung babalikan ang nakaraan, unang lumutang sa social media ang #NasaanAngPangulo noong si Benigno Cojuangco Aquino III ang pangulo.

Oposisyon ang nagwasiwas ng nasabing hashtag.

Ayon sa sources, ideya ng isang public relations expert na “Joyce” ang pangalan ang #NasaanAngPangulo.

Unang ginamit ng oposisyon ang nasabing hashtag laban kay Aquino noong binayo ng super bagyong “Yolanda” ang Leyte at mga kalapit na lalawigan noong 2013.

Napaka-epektibo ng hashtag dahil pinalabas na nagtatago si Aquino habang napakatindi ng hagupit ni Yolanda.

Ang lumutang na ‘balitang’ ginagawa ni Aquino noon ay naglalaro umano ito ng paborito nitong computer game.

Ang layunin ng oposisyon noon ay wasakin ang “moral authority”ni Aquino bilang lider ng bansa.

Inilabas ulit ng oposisyon ang #NasaanAngPangulo nang imasaker ng mga rebeldeng Muslim ang 42 miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police (PNP) noong Enero 2015 sa Mamasapano, Maguindanao.

Kahit binibira na si Aquino ay iba ang kanyang pinag-ukulan ng pansin tulad ng inagurasyon ng planta ng Mitsubishi sa Sta. Rosa, Laguna.

Nagpatuloy ang matinding kontrobersiya dahil ang nakaaalam lang pala ng operasyon ng SAF sa Mamasapano ay si Aquino at ang suspendidong hepe ng PNP noon na si General Allan Purisima.

Lumilitaw sa pangyayari noong panahon ni Aquino ay napakatindi ng gamit ng #NasaanAngPangulo dahil mistula itong posporong nagsindi ng sirang sasakyan na binuhusan ng gasolina hanggang sumabog.

Pinaniniwalaang resulta ng #NasaanAngPangulo ang pagkatalo ng kandidato ni Aquino sa pagkapangulo na si Mar Roxas II at mga senatoriable nito.

Pinili pa rin ni Aquino si Roxas na maging kandidato ng kanyang administrasyon at LP kahit palaging malapit sa dulo ang marka nito sa mga sarbey.

Sa muling paglantad at pagwawasiwas ng #NasaanAngPangulo, binira ni Roque ang oposisyon.

Nangangahulugang kumbinsido ang administrasyong Duterte na ipinanghataw ng oposisyon ang #NasaanAngPangulo laban kay Duterte bilang bahagi ng eleksyong 2022.

140

Related posts

Leave a Comment