VALENZUELA CITY UMAYUDA SA KABIKULAN

PERSONAL na nagtungo sa Catanduanes, Albay, at Camarines Sur si Senador Win Gatchalian upang maghatid ng tulong mula sa Valenzuela City at masaksihan ang kalagayan ng lugar at mga apektadong residente.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na namigay sila ng tulong sa naturang lalawigan upang makabangon sila sa tindi ng kanilang sinapit mula sa magkakasunod na dumaang bagyo.

Kasama ng senador sina Valenzuela City Congressman Wes Gatchalian, Valenzuela Vice Mayor Lorie Natividad-Borja at Councilor Rovin Feliciano na nakatakdang makipagpulong sa mga lokal na opisyal upang pag-usapan ang recovery efforts sa lugar, kabilang na ang panunumbalik ng suplay ng kuryente at linya ng komunikasyon, pati na ang pagpapatuloy ng edukasyon ng mga mag-aaral na muling naantala dahil sa sitwasyon.

“Talagang mas naging kumplikado ngayon ang sitwasyon. May COVID-19 na nga, may bagyo pang dumadating. Maraming modules ang nasira. Maraming pamilya na lumikas at hindi na nadala ang mga modules. Pati mga computers ay nasira dahil sa sunod-sunod na bagyo,” sabi ni Gatchalian.

“Dalawang bagay ang nakikita ko dito. Una, habang unti-unting bumabangon ang mga nasalantang lugar, unti-unti na ring dapat magbigay ng mas marami pang modules, mag-imprenta at siguraduhing tuloy-tuloy ang pamimigay nito sa ating mga estudyante,” ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Makatatanggap ng anim na milyong piso ang Albay, Camarines Sur at Catanduanes mula sa pamahalaang lokal ng Valenzuela, ang bayan ng senador.

Libu-libong mga residente sa lugar ang hanggang ngayon ay wala pa ring matirhan matapos ang pagragasa ng bagyong Ulysses at marami sa kanila ay nasa evacuation centers pa rin.

Mariing pinaalala rin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagsunod sa health protocols sa gitna ng disaster response. Mamamahagi ang senador ng tsinelas, face masks, at face shields para masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng mga tao habang patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19. (ESTONG REYES)

142

Related posts

Leave a Comment