ISANG karapatan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Commander in Chief ang pagpili sa bagong General Debold Sinas bilang bagong hepe ng Philippine National Police o PNP.
Alam niya ang kakayahan ni Sinas at kung ano ang maitutulong nito sa kampanya laban sa kriminalidad at maging sa ilegal na droga sa buong bansa.
Kasama na rin siyempre ang paglilinis sa mga bulok na kamatis sa hanay ng PNP.
Hindi ibig sabihin ng pagtatalaga kay Sinas ay wala nang tiwala ang Pangulo kay Lt. Gen. Guillermo Eleazar kaya hindi ito pinili na maging Hepe ng PNP.
Sa katunayan may mga parangal at pagkilala siyang ibinigay kay Gen. Eleazar dahil sa kaniyang husay.
Bilang katunayan siya ang itinalagang pinuno ng Joint Task Force Covid Shield.
Malaki rin ang nai-ambag ni Lt. Gen. Eleazar sa paglilinis sa hanay ng pulisya.
Ang kaarawan ni Lt. Eleazar ay sa Nobyembre 13, 1965 kaya ang edad niya ngayon ay nasa 54 pa lang.
Sina Eleazar at Sinas ay magklase sa PMA Hinirang Class of 1987. Pero laging nauuna ng 1 star na ranggo si Eleazar kesa kay Sinas, Major General na siya habang si Sinas ay 1 star general pa lang.
Magkaiba rin sila ng estilo dahil maraming tagahanga mula sa media at netizens si Eleazar kaya naman lagi siyang laman ng mga balita samantalang yung Sinas naman ay trabaho lang at walang pakialam kahit pa intrigahin ng media.
Si Sinas ay ipinanganak noong Mayo 8, 1965 at sa kasalukuyan ay nasa 55-anyos na siya at pagdating sa kanyang kaarawan sa Mayo 8, 2021 ay awtomatikong magreretiro siya bilang PNP chief.
Kaya naman maraming may ayaw sa kanya tulad na lamang ng isyu ng mananita at kontrobersyal na pagpapaalis sa isang pamilya na nakunan pa ng video na nag-viral pa sa social media.
Nang malaman ng netizens na in-appoint ni Pangulong Duterte si Sinas bilang PNP chief ay muling naungkat ang mga isyung ito.
Kaliwa’t kanan ang negatibong komentaryo laban kay Sinas.
Bakit daw si Sinas at hindi si Eleazar? Muli po natin uulitin, prerogative ng presidente kung sino ang kanyang gusto at mas malapit sa kanyang puso para maging PNP chief.
Hindi po natin alam kung anong plano niya kay Gen. Eleazar.
Hindi natin alam pero possible kasi na sa pagreretiro ni Sinas sa Mayo ay ibigay na ang pwesto kay Eleazar.
Subalit contender din na maging PNP chief ang bagong talagang National Capital Regional Police Office (NCRPO) director na si BGen. Vicente Danao, Jr.
Si Danao ay miyembro ng PMA Sambisig Class of 1991 na isa sa tinaguriang Davao Boys at kilalang galit din sa ilegal na droga at sa mga tiwaling pulis.
Siguro nakikita ni Pangulong Duterte na maganda ang tandem nina Sinas at Danao kaya magkasabay nya itong itinaas ng mga posisyon.
Pagbigyan natin si Gen. Sinas, tutal humingi naman sya ng paumanhin sa kanyang nagawa.
Ang tingin kasi ng nakararami kay Sinas ay suplado lalo na sa kanyang pananalita at siyempre probinsyano ang mama tulad ni Pangulong Duterte.
Hindi sila matatas (fluent) magsalita ng tagalog kaya naman ang tingin sa kanila ay suplado nga.
Pero nasa puso nila ang paglilingkod sa taumbayan yun ang pinakamahalagang kailangan. Sana maipatupad niya ng totohanan ang kanilang motto na “serve and protect”.
Bigyan po natin ng chance si Gen. Sinas.
Naniniwala tayo kay Pangulong Duterte na hindi sya maglalagay ng mamumuno sa pinakamataas na posisyon sa PNP na alam niyang makapeperwisyo sa taumbayan.
Mas gusto siguro ng Pangulo na unahin ang trabaho kesa sa papogi. Kaya kayong mga nasa gobyerno unahin nyo ang trabaho kesa puro pagkakaperahan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
