CALOOCAN LGU NAMAHAGI NG LIBRENG TABLET

SINIMULAN na ang pamamahagi ng mga libreng tablet na handog ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan para sa mga mag-aaral mula Grade 9 hanggang Grade 12 sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Pinangunahan kamakailan nina Mayor Oca Malapitan at Congressman Along Malapitan ang pamamahagi ng libreng tablet sa mga magulang ng mga mag-aaral na Grade 11 at Grade 12 ng Bagong Barrio Senior High School, Caloocan High School, Tandang Sora Integrated High School, Caloocan City Science High School, at MB Asistio High School.

Tiniyak ni Mayor Oca na ipamamahagi na rin ang mga libreng tablet para sa mga Grade 9 at Grade 10 sa mga pampublikong paaralan sa mga susunod na araw.

“Ang proyektong ito ay pinagsikapang maisakatuparan ng ating Pamahalaang Lungsod upang makatulong sa ating mga mag-aaral kaugnay ng ipinatutupad na blended distance learning,” pahayag ni Mayor Oca.

“Tayo ay nagpapasalamat sa mga bumubuo ng ating Pamahalaang Lungsod, sa Schools Division Office (SDO) ng Caloocan, na pinangungunahan ni Dr. Nerissa Losaria. Salamat sa pagiging katuwang natin sa pagsusulong na magbigay ng dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral sa lungsod bagama’t tayo ay nasa gitna ng pandemya,” dagdag ni Mayor Oca.

Kasama rin namahagi ng mga tablet sina Coun. Karina Teh, Coun. Vince Hernandez, Coun. Obet Samson, Coun. Lanz Almeda, Coun. LA Asistio, Engr. Arnold Divina, at Kap. Melvin Rufino. (ALAIN AJERO)

146

Related posts

Leave a Comment