NAGSAGAWA ng preventive evacuation ang pamahalaang lokal ng Tuguegarao sa mga residenteng nasa low-lying areas sa Barangays Linao at Annafunan kasunod ng babala ng posibleng unprecedented flooding dahil sa muling pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam nitong Sabado bunsod nang walang tigil na pag ulan, ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council.
Binalaan ang mga residente sa ilang lugar sa hilagang Luzon sa posibleng pagbaha matapos na magpakawala ng tubig ang Magat Dam, na itinuturong isa sa mga dahilan ng matinding baha sa Cagayan at Isabela kamakailan.
Ayon sa National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), posible ang pagtaas ng tubig o pagbaha, partikular na sa mga bayan ng Gamu at Aurora sa Isabela, matapos magkasunod na magbukas ng 2 spillway gate ang dam.
Noong Biyernes nang magbukas ang unang spillway gate ng Magat Dam kung saan pinakawalan ang nasa 393 cms ng sobrang tubig.
Isang gate naman ang binuksan alas-8:00 nitong Sabado ng umaga para magpalabas ng 179 cubic meters per second o katumbas sa 895 drums ng tubig.
Sa Notice of Dam Discharge Warning Operation ng NIA-MARIIS na ipinalabas alas-5:00 ng umaga nitong Sabado, ang spillway radial gate number 3 ay nakabukas ng 1 metro.
Itinaas ito sa 2 metro alas-9:00 ng umaga para makapagpakawala ng 393 cms o katumbas ng 1,965 drum ng tubig.
Sa kabuuan, aabot sa 786 cms o katumbas ng 3,930 drum ng tubig ang water discharge sa dam mula sa dalawang bukas na gate.
Paliwanag ng NIA-MARIIS, ito ay para maiwasang umabot sa critical level ang dam lalo’t patuloy ang pagbaba ng tubig mula sa watershed areas na nakararanas ng pag-ulan.
Alas-6:00 ng umaga nitong Sabado nang maitalang nasa 189.2 meters above sea level ang tubig sa Magat Dam, halos apat na metro na lang ang agwat sa spilling level na 193 meters.
Base sa Hydrological forecast ng PAGASA nitong Sabado ng umaga, nasa “above alert level” ang Upper Cagayan basin area, kasama ang tributaries ng Ganano at Magat, kaya posible ang pagbaha.
Ang Magat River ay major tributary ng Cagayan River.
Itinurong dahilan ng mga lokal na opisyal ang pagbaba ng tubig sa Cagayan River mula sa mga karatig-lugar matapos ang ilang araw nang pag-ulan, ang siltation sa ilog, illegal logging, at ang pagbubukas ng mga gate ng Magat Dam. (JESSE KABEL)
339 