PAGMAMAPA NG ISTRATEHIYA PARA SA HINAHARAP NG INDUSTRIYA NG KURYENTE

ANG bawat pagtatapos ay hudyat ng panibagong simula. Tayo ay nasa huling buwan na ng taon.

Ito ang perpektong pagkakataon upang balikan ang nangyari sa buong taon at ang planuhin kung ano ang mga maaaring gawin sa susunod na taong 2021.

Kaakibat ng pagtatapos ng taon ay ang ating pag-asang magtatapos na rin ang mga suliraning ating kinaharap ngayong 2020 lalo na ang pandemyang COVID-19.

Isa sa mga sektor na nagsagawa ng pagpaplano para sa susunod na taon ay ang industriya ng kuryente sa bansa.

Isang online na pagpupulong ang isinagawa at ito ay tinawag na Future Energy Show Philippines 2020. Ito ay binuo ng Terrapinn, isang internasyonal na event organizer, sa pakikipagtulungan ng Meralco.

Umabot sa humigit kumulang limang libo ang dumalo sa nasabing pagpupulong. Layunin ng pagpupulong na ito na i-mapa ang hinaharap ng industriya ng kuryente upang makapagsagawa ng nararapat na istratehiya.

Tinalakay rin ang kasalu­kuyang takbo ng industriya at ang iba’t ibang mga pagbabago rito. Bahagi ng istratehiya ay ang pagpapalago sa renewable energy sa bansa.

Higit sa 80 eksperto na mula sa limang malalaking content channel sa mundo: Solar Power, Energy Storage, Rural Electrification, Energy Efficiency at Grid Technology & T&D, ang dumalo at nagbigay ng partisipasyon sa nasabing kaganapan.

Nagbigay ng talumpati si Meralco Vice President and Chief Sustainability Officer, Raymond Ravelo kung saan ibinahagi niya kung paanong ang istratehiya at operasyon ng Meralco ay naka-sentro sa sustainability.

Ang adbokasiyang ito ay pinasimulan ni Meralco President and CEO, Atty. Ray C. Espinosa. Ang agenda ng Meralco patungkol sa sustainability ay ibinase sa United Nations Sustainable ­Development Goals (UN SDGs).

Sa kanyang talumpati ay binigyang-diin ni Ravelo kung paano pinatatakbo ng Meralco ang agenda nito sa sustainability sa pamamagitan ng programang tinatawag na #Powering­TheGoodLife.

Ang programang ito ay binubuo at suportado ng limang haligi. Ito ay ang mga sumusunod: Community Electrification, Direct Emissions Reduction, Resource Efficiency, Waste Management, at Workplace & ­Operational Excellence.

Ibinahagi rin ni Ravelo ang tungkol sa layunin ng Meralco na mabigyan ng kuryente ang 100% ng nasasakop ng prangkisa nito bago matapos ang unang bahagi ng taong 2021 sa pamamagitan ng Meralco Electrification Program o MEP.

Layunin ng nasabing programa ang mabigyan ng kuryente pati ang mga lugar sa Pilipinas na hindi na abot ng pasilidad ng kuryente sa bansa. Ito ay isinasagawa ng Meralco sa pakikipagtulungan ng sangay nitong nangangasiwa sa pagtulong sa komunidad, ang One Meralco Foundation (OMF).

Noong nakaraang taon, nakapaghatid ng liwanag ang Meralco sa dalawang malalayong komunidad sa Isla Verde sa Batangas at sa isla ng Cagbalete sa Quezon gamit ang isang microgrid na kombinasyon ng solar PV at mga baterya. Tinatayang nasa halos 200 kabahayan ang nabigyan ng ­kuryente sa mga nabanggit na lugar.

Ang markang iniwan ng Pilipinas sa industriya ng kuryente sa bansa ay isang bagay na dapat nating ipagmalaki.

Naipakita sa ginanap na pagpupulong kung paano nabibigyan ng supply ng kuryente ang iba’t ibang mga industriya kasama ang mga komunidad sa mga malalayo at liblib na lugar sa pamamagitan ng paggamit ng microgrid solution.

179

Related posts

Leave a Comment