NO CONTACT APPREHENSION, INILUNSAD SA MAYNILA

INILUNSAD, sa pangunguna ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ang no contact apprehension program (NCAP) ng lokal na pamahalaan, sa pangunahing mga lansangan.

Sa isinagawang launching ceremony sa intersection ng Quirino Avenue at Taft Avenue sa Malate, pinaalalahanann ng alkalde ang mga motorista na mag-ingat sa kanilang pagmamaneho para hindi mahuli ng digital traffic eye at pagbayarin ng malaking multa.

“With NCAP, panatag ako knowing that traffic violators are always caught and identified, especially sa gabi. Most importantly, even during typhoons or other similar situations, these cameras can function on their own,” ayon sa alkalde.

Sinabi pa ng alkalde, malaking hamon ang kinakaharap ng mga miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) para bantayan ang mga lumalabag sa trapiko na dumaraan sa Maynila.

Naniniwala rin siya na ang “operational digitalization” ang susi para sa epektibong pagpapatupad nang maayos na trapiko sa lungsod.

Nabatid na kapag ang motorista ay lumabag at nakunan ng camera ay makukuha na rin nito ang numero ng plaka ng sasakyan at ang impormasyon ay ipadadala sa MTPB at kaagad na ipu-proseso mula sa impormasyong galing sa Land Transportation Office (LTO).

Kaagad din umanong ipadadala ang Notice of Violation (NOV) sa mga may-ari ng sasakyan sa loob ng dalawang linggo, sa pamamagitan ng registered mail at diringgin naman ng Manila Traffic Adjudication Board (MTAB) kung may kuwestiyon ang motorista.

Tiniyak naman ni Moreno na ang mga multang makukukolekta mula sa traffic violators ay direktang mapupunta sa city treasury.

Maaari umanong bayaran ang obligations, traffic fines at penalties sa tanggapan ng MTPB, o kaya ay sa designated banks o remittance centers.

Babala ng alkalde sa traffic violators, hindi maaaring balewalain ang notices na ipadadala ng lungsod, dahil kung hindi aniya nila babayaran ang traffic violation fines ay hindi rin sila papayagan ng LTO na makapag-renew ng rehistro ng kanilang mga sasakyan, at madaragdagan pa ang kanilang mga multa at penalty.

Nabatid na kabilang sa mga lokasyon ng local apprehension ay ang España kanto ng Lacson; Quirino kanto ng Taft Avenue; Quirino kanto ng San Marcelino; Quirino kanto ng MH Del Pilar; Taft kanto ng P. Ocampo; P. Burgos kanto ng Ma. Orosa; Chinese Gen. Pedestrian; Lacson Avenue; Aragon St.; Kalaw at M. H Del Pilar; España kanto ng Dela Fuente, at Vicente Cruz, Abad Santos at Bambang, Abad Santos at Tayuman; Taft at Estrada St. at Taft at Remedios.

Ang mga paglabag sa batas trapiko ay may katapat na multang mula P2,000 hanggang P3,000. (RENE CRISOSTOMO)

178

Related posts

Leave a Comment