ILLEGAL PARKINGS SA MALABON, WAWALISIN

IPINAG-UTOS ni Malabon police chief, P/Col. Angela Rejano sa lahat na sub-station commander ang pagpapaigting sa road clearing operation kasunod ng mga reklamo hinggil sa illegal parking ng ilang mga sasakyan sa pangunahing mga kalsada sa lungsod.

Partikular na binanggit ni Col. Rejano ang pangunahing kalsada sa Barangay Longos at Tonsuya na naging dahilan upang pangunahan ni Police Sub-Station – 5 chief, P/Capt. Carlos Cosme ang pinaigting na clearing operations sa iba’t ibang lugar sa dalawang barangay.

Sa koordinasyon sa mga miyembro ng Malabon City Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ikinasa ng mga tauhan ng PSS-5, sa pangunguna ni Capt. Cosme, ang paglilinis sa mga kalsada ng Lapu-Lapu Avenue sa Brgy. Longos; at sa P. Aquino Avenue at Gozon Compound sa Brgy. Tonsuya dakong alas-8:30 ng umaga.

Ayon kay Capt. Cosme, higit 20 sasakyan, kabilang ang private, utility vehicles at trailer trucks na ilegal na nakaparada sa mga pangunahin at secondary roads ang kanilang hinuli.

Sinabi pa ni Cosme, ang mga saksakyan, kabilang ang trailer trucks na ilegal na nakaparada, ay dinala sa kanilang impounding area habang ang mga may-ari at driver ng iba pang mga saksakyan na nagtangkang alisin ang kanilang sasakyan na ilegal na nakaparada, ay inisyuhan ng citation tickets.

Ang utos na ibinigay ni Col. Rejano sa lahat na sub-station commander na linisin ang lahat ng pangunahin at secondary roads ay may kaugnayan sa direktiba ng DILG sa pagbabalik ng clearing operations. (FRANCIS SORIANO)

352

Related posts

Leave a Comment