RAKET NI MAMA GHALA AT JASMIN, DAGDAG KALBARYO SA MGA OFW (PART 2)

SA nakaraan kong kolum nitong Miyerkoles ay nabanggit ko ang Pinay na si Jasmin na kasabwat ni Mama Ghala sa kanyang illegal na gawain na maituturing na isang human trafficking.

Si Jasmin ang isinusumbong ng mga nakauwi at mga nakatakas na OFW na siyang kanang kamay ni Mama Ghala. Ayon sa ilang mga impormante na nagpadala ng sulat sa akin, labas-masok sa loob ng opisina ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh itong si Jasmin.

Diumano ay bukambibig nito na siya ay may kasamang mga kaibigan na pulis sa tuwing ito ay pupunta sa POLO-Riyadh, kung kaya ang mga OFW na kanilang biktima ay talagang natatakot sa kanya.

Hinanap ko ang Facebook account ni Jasmin at doon ko nakita na malimit nga pala itong nagpupunta sa POLO at sa ilan pang FB Live broadcast ay may kasama rin siyang mga OFW sa kanyang sasakyan na tila inihahatid sa ibang lugar.

Ayon pa rin sa sumbong na aking nakalap, itong si Jasmin ay nagtutungo sa loob ng POLO Riyadh at doon ay may kinakausap na isang tauhan ng POLO at ilang oras pa ay nailalabas nito sa shelter ang puntirya niyang OFW.

Bukod dito, sa sumbong ng isang nagpadala ng salaysay na itatago ko sa pangalang “JENNY” ay “Ako po ay isinurender ng aking amo sa aking ahensya noong Abril 2,2020, pero sarado ang opisina ng aking ahensya kung kaya ako ay inihatid na lamang sa isang Islamic Shelter Center.

Umabot ako roon ng halos dalawang buwan.

Makalipas nito ay may kumuha sa akin na isang lalaki na hindi nagpakilala at ako ay dinala kay Jasmin Prince Sultan at ang sabi ay uuwi na po ako kaya agad naman akong sumama.

Al Munjas Alawal Recruitment Office po ang name ng agency ko sa Saudi Arabia at ang PJV naman ang ahensya ko sa Pilipinas.

Pero nagtataka ako ako kung bakit ako kinuha ng agency ko sa shelter, gayun ako ay may pinirmahan na sa Isalamic Shelter Center na ako ay pauwi na ng Pilipinas.

Kaya ako ay nagtanong sa Pinay na kumukuha sa akin at sabi ko ay bakit mo ako kukunin dito e may pinirmahan na ako rito na ako ay direkta na nilang pauuwiin sa Pilipinas at may exit visa na ako at ticket? Ngunit hindi po siya sumagot sa akin kung kaya sumunod na lamang kung saan ako dadalhin.

Matapos ng ilang oras na paglalakbay, ay nakarating kami sa bahay ng ipinakilala na Mama Ghala at doon ay ­nalaman ko na ako pala ay ipapasa na naman sa panibagong employer. Ibinebenta po ako ni Mama Ghala sa iba’t-ibang employer na labag sa aking kalooban.

Sa pagtatapos ni “Jenny” sa kanyang liham ay ­nakikiusap ito na tulungan na siyang makauwi sa Pilipinas upang makapiling na niya ang kanyang pamilya.

Sa pinakahuling impormasyon na ipinarating sa AKOOFW, ay ngayong araw ng Biyernes inaasahang ­darating sa Pilipinas si Jasmin Prince Sultan na tinukoy ng nagpadala ng liham.

Abangang sa Lunes ang ikatlong bahagi ng aking kolum ukol sa mga raket ni Mama Ghala at Jasmin Prince Sultan.

231

Related posts

Leave a Comment