TRB ‘NATULOG SA PANSITAN’ -SOLON

“‘YUNG Toll Regulatory Board ay parang natulog sa pansitan.”

Ito ang sinabi ni Senador Grace Poe kung kaya’t gigisingin nito ang TRB sa gagawing imbestigasyon sa desisyon na ipatupad ang cashless system sa mga pangunahing tollway na nagresulta sa mga gridlock at naiwan ang mga motorista na natigil sa kalsada nang maraming oras.

Gaganapin ang pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Poe sa darating na Disyembre 17 para talakayin ang tatlong resolusyon na nananawagan na imbestigahan ang implementasyon ng contactless transaction sa pamamagitan ng radio frequency identification (RFID).

Sinabi ng senador na nais ng panel na maliwanagan kung paano aayusin ng mga regulator ng gobyerno ang pamamaraan sa mga toll plaza upang matugunan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa expressways.

“Unang-una, nais nating maayos ang sitwasyon para sa ating mga kababayan, na hindi naman sila napeperwisyo at nahihirapang pumila doon at nakababad nang matagal. Pangalawa, nais nating malaman ano ba talaga ang naging dahilan kung bakit hindi maayos ang pagpapatakbo nito?” sabi ni Poe.

“Gusto nating tanungin ang DOTr, maganda kasi ang pakay ng pagkakaroon ng cashless system… pero ang problema dito, kahit naman sa ibang mga bansa na maayos ang sistema kaysa dito, hindi naman ganu’n kabilis nagagawa ang mga ganyan. Matagal ‘yan, may proseso ‘yan,” dagdag pa ng senador.

Paliwanag ng senador, ang cashless system ay dapat ding hindi sakit ng ulo ng mga motorista sa lahat ng mga tollway at hindi kailangang makakuha ng magkakahiwalay na mga sticker ng RFID para sa bawat isa.

“Cashless nga dahil may pandemic para ‘di maghawahan. Kung pipila ka naman at kukuha ng sticker dahil nagmamadali lahat eh ‘di nagkahawahan din,” sabi nito. (NOEL ABUEL)

190

Related posts

Leave a Comment