WALANG gag order si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng gabinete nito kaugnay sa isyu ng naunsyaming anti-COVID-19 vaccine mula sa Pfizer.
Paglilinaw ni Senate Committee on Health chairman at Senador Christopher Bong Go na sa pulong sa Palasyo, nagpaliwanag na si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III hinggil sa hindi agad pagpirma sa kasunduan sa Pfizer.
Kinumpirma nito na namumula sa galit si Duque sa pagpapaliwanag dahil siya ang nasisi sa isyu at palaging nasisisi sa maraming usapin.
Dagdag pa ni Go na sinabi ni Duque na palagi na lamang itong nasisisi gayung pilit niyang ginagawa ang kanyang tungkulin para maibigay ang serbisyo sa taumbayan.
Una nang nanawagan si Go sa gabinete na huwag nang mag-away-away at sa halip ay magtulungan na lamang dahil batid naman ni Pangulong Duterte na ginagawa ng mga ito ang kanilang trabaho.
Nauna na ring nanawagan si Go kay Duque na ipaliwanag sa taumbayan ang sitwasyon habang nanawagan din ito kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na magtulungan na lang at nagpapasalamat siyang nagpapakita ito ng malasakit sa administrasyon. (NOEL ABUEL)
