CAVITE – Tatlong Nigerian national ang arestado makaraang makumpiskahan ng mahigit P10 milyong halaga ng shabu at marijuana sa buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Cavite Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 at 3 sa Gen. Trias City.
Kinilala ang mga arestado na sina Ifeanyl Ofoma, Benjamin Enemuo at Chiduben Nwong, pawang mga Nigerian national at naninirahan sa Gen. Trias City.
Ayon sa ulat, dakong dakong alas-8:50 ng gabi noong Lunes nang magkasa ng buy-bust operation ang mga awtoridad sa Block 01, Lot 89, Kensington Phase 17, Alden St., Lancaster, Brgy. Navarro sa nabanggit na lungsod na nagresulta sa pagkakadakip kina Enemuo at Nwong at nakumpiskahan ng isang kilo ng shabu na tinatayang P6,800,000 ang street value.
Dakong alas-10:30 ng gabi noong Lunes, nagsagawa rin ng buy-bust operation ang nasabi ring puwersa sa Block 26, Lot 17, Kensington Phase 22, Bacao 1 sa naturang lungsod na nagresulta sa pagkakadakip kay Ofoma at nakumpiskahan ng 500 gramo ng shabu na P3,400,000 ang halaga at 500 gramo ng marijuana na tinatayang P600,000 ang street value. (SIGFRED ADSUARA)
614
