TINATAYANG P1,360,000 halaga ng ecstasy tablets at P340,000 halaga ng shabu ang nakumpiska sa inilatag na buy-bust operation na nagresulta sa pagkamatay ng isang hinihinalang tulak at nakatakas ang umano’y kasabwat nito sa Ermita, Manila nitong Biyernes ng madaling araw.
Sinasabing distributor ng ilegal na droga ang napatay na suspek na kinilala lamang na si alyas “Kuya” habang nakatakas ang kasabwat nitong si alyas “Ish Aguilar”.
Base sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Ermita Police Station 5, na isinumite kay P/Lt. Col. Ariel Caramoan, station commander, bandang alas-12:20 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Jones Bridge sa Riverside Drive, Lawton, Ermita, Manila.
Bago ang inilatag na buy-bust, nakatanggap ng ulat ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng PS-5, hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t agad nagsagawa ng surveillance and buy-bust operations, katuwang ang mga tauhan ng Special Operations Unit 3, PNP-DEG, RID NCR, RDEU NCR, at RSOG NCR.
Gayunman, nanlaban umano ang mga suspek sa mga awtoridad na nauwi sa engkwentro at kalaunan ay napatay si alyas “Kuya” habang nakatakas si alyas “Ish Aguilar” lulan ng SUV.
Nakuha ng mga awtoridad mula sa napatay na suspek ang tinatayang 800 tableta ng ecstasy o party drugs na tinatayang P1,360,000 ang steet value, at dalawang heat sealed plastic sachet na may lamang 50 gramo ng shabu na P340,000 ang halaga, isang kalibre .45 pistola at P5,000 buy-most money.
Napag-alaman sa pulisya, ang mga suspek ay kilalang distributor umano ng ilegal na droga sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit nitong lalawigan.
Kumukuha umano ang mga ito ng suplay ng ilegal na droga sa kanilang kaibigang dayuhan at Pinoy.
Sinasabing nakikipagtransaksiyon lamang si ‘Ish Aguilar’ sa pamamagitan ni ‘Kuya.’
Sila rin umano ang mga suspek na sinasabing nakatakas sa isinagawang raid kamakailan sa Cainta, Rizal at nagresulta sa pagkakadiskubre sa isang kitchen type clandestine drug laboratory at pagkakakumpiska ng iba’t ibang uri ng mga ilegal na droga at paraphernalia. (RENE CRISOSTOMO)
